DAVAO City – Binalot ng kadiliman ang distrito ng Marilog sa lungsod na ito nang salpukin ng isang delivery truck ang poste ng koryente na ikinamatay ng dalawa katao, ayon sa ulat ng pulisya nitong Sabado.
Ayon sa inisyal na ulat na natanggap ng Davao City Police Office, agad binawian ng buhay ang dalawang biktima makaraang sumalpok ang kanilang sinasakyang 10-wheeler truck sa isang poste sa Barangay Suawan, Marilog District sa naturang lungsod.
Mabilis na nagresponde ang Central 911 Urban Search and Rescue Team para sikaping iligtas ang driver at pahinante ng truck ngunit wala nang buhay ang mga ito.
Ayon sa Sambunotan Youth Organization Quick Response Team, sandaling nakausap nila ang pahinante ngunit makalipas ang ilang minuto ay nalagutan ito ng hininga dahil sa pagkakaipit sa truck.
Kasalukuyan nagpapatuloy ang imbestigasyon dahil hindi pa malinaw kung ano ang naging dahilan ng pagbangga ng delivery truck sa poste.
Nabatid na dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga ay pansamantalang nawalan ng supply ng koryente sa lugar. (JESSE KABEL)
