TRUST RATING NINA MARCOS, DUTERTE SUMADSAD – SURVEY

KAPWA bumagsak ang trust rating ng dating magka-Uniteam na sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte nitong Setyembre, sa gitna ng lumalakas na public awareness sa korupsyon sa gobyerno, partikular sa mga proyekto ng public works, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Batay sa resulta na inilabas nitong Miyerkoles, bumaba ang trust rating ni Pangulong Marcos sa 43% mula 48% noong Hunyo, habang si VP Sara ay bumaba sa 53% mula 61% sa kaparehong panahon.

Pinakamalaking pagbaba ang naitala ni Marcos sa Balance Luzon, kung saan sumadsad ng 9 percentage points ang kanyang rating — mula 60% noong Hunyo ay naging 51% nitong Setyembre.

Bumaba rin ang kanyang rating sa ibang rehiyon: Mindanao (-6 points, 33% to 27%), NCR (-4 points, 50% to 46%), at Visayas (-3 points, 40% to 37%).

Maging si Duterte ay nakaranas ng pagbagsak sa lahat ng rehiyon, kabilang na sa Mindanao, ang kanilang balwarte. Ang kanyang trust rating ay bumaba ng 7 puntos sa Mindanao (89% to 82%), 7 puntos sa Visayas (63% to 56%), 7 puntos sa NCR (51% to 44%), at 9 puntos sa Balance Luzon (49% to 40%).

Sa socioeconomic classes, napanatili ni Marcos ang suporta ng Class ABC (38%), ngunit bumagsak sa Class D (49% to 44%) at malalim na bumaba sa Class E (50% to 38%).

Para kay Duterte, tumaas ng 9 puntos ang kanyang rating sa upper at middle class (49% to 58%), ngunit bumaba ng 10 puntos sa Class D (62% to 52%) at 5 puntos sa Class E (68% to 63%).

Ang survey ay kinomisyon ng Stratbase Group at isinagawa ng SWS mula Setyembre 24–30, kasunod ng Setyembre 21 nationwide protests kaugnay sa isyu ng korupsyon sa mga flood control projects na iniimbestigahan sa Kongreso.

Ginamit sa survey ang face-to-face interviews ng 1,500 respondents at may ±3% margin of error para sa national results, at ±4–6% naman sa mga rehiyon.

(CHRISTIAN DALE)

54

Related posts

Leave a Comment