“MAS marami, mas mabuti,” ito ang naibulalas ni Philippine Olympic Committee (POC) president, Cong. Abraham “Bambol” Tolentino kahapon nang makapanayam ng SALA SA INIT SALA SA LAMIG tungkol sa kanyang reaksyon sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga Pilipinong atletang kakatawan sa bansa sa darating na XXXII Games of the Olympics na gaganapin sa Tokyo sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8, sa taong ito.
Sa pagtatapos ng nagdaang linggo ay tumaas pa ang bilang ng ating mga atleta sa Olimpiyada sa 12, matapos matanggap ng shooter na si Jayson Valdez ang kanyang quota mula sa International Shooting Sports Federation, na ginawaran siya ng isang upuan sa 10-meter air rifle event batay sa continental quota system na ipinatutupad ng ISSF.
“That’s good, the more the better,” wika ni Cong. Bambol na pangulo rin ng Philippine Cycling Federation. “Lalong lumakas ang ating tsansa na mapawi na ang ating matagal na pagkauhaw sa Olympic gold medal na hindi pa natin natitikman sa loob ng 96 taon nating paglahok sa Olimpiyada.”
Mula nang unang magpadala ang Pilipinas ng atleta sa Olimpiyada noong 1924 sa Paris, tatlong medalyang pilak pa lamang ang naiuwi natin sa kagandahang loob ng mga boksingerong sina Anthony Villanueva (1964 Tokyo), Mansueto “Onyok” Velasco (1996 Atlanta) at weightlifter Hidilyn Diaz (2016 Rio de Janeiro).
Ang swimmer na si Teofilo Yldefonso ang lumalabas na winningest medal winner na may dalawang bronze (1932 Amsterdam at 1936 Los Angeles), at mga boksingerong sina Jose “Cely” Villanueva, ama ni Anthony (1932), Leopoldo Serrantes (1988 Seoul) at Roel Velasco (1992 Barcelona), high jumper Simeon Toribio (1932) at hurdler Miguel White (1936 Berlin) ay nakabalik sa bansa na may nakasabit na tig-isang bronze sa kanilang mga leeg.
Hanggang noong pumasok na sa Olimpiyada si Valdez, anak ng Southeast Asian Games triple gold medalist na si Julius, sina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo, boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio, Irish Magno at Carlo Paalam, weightlifters Hidilyn Diaz at Erleen Ando, rower Cris Nievarez, taekwondo jin Kurt Barbosa at skateboarder Margielyn Didal ang may opisyal nang pupunta ng Tokyo.
Nakatitiyak na ring kasama ang mga golfer na sina Yuka Saso at Bianca Pagdanganan, isa sa athletics, at dalawa sa swimming sa ilalim ng universality program ng International Olympic Committee (wild card).
Sa taya ni Cong. Bambol, hindi kukulangin sa 20 ang bilang ng mga atletang Pinoy na bibiyahe sa Tokyo, na unang nag-host ng Games noong 1964 at kung saan si Anthony Villanueva ay naging kauna-unahang Pilipinong nag-uwi ng medalyang pilak.
“May ilan pa tayong sa tingin namin sa POC ay posible pang makahabol at makakuha ng tiket papuntang Tokyo at iyan ay isa nang malaking karangalang makakamit ng ating mga atleta at ng bansa,” ani Tolentino, nakababatang kapatid ni Sen. Francis Tolentino.
“Lalo na ngayong nasa panahon na tayo na bago makapasok sa Olimpiyada ay kailangan ng isang atleta na makapasa sa Olympic Qualifiers sa lahat ng sport,” dagdag niya.
Para kay Cong. Bambol, ang ating boxing team pa rin ang may pinakamalaking tsansang makapagdala ng medalyang ginto sa bansa sa kabila ng kaguluhang nangyayari sa pagitan ni middleweight Eumir Marcial at ng kanyang kinaanibang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).
Ang boksingerang si Nesthy Petecio, pole valuter Ernest John Obiena, world gymnastics champion Carlos Yulo, 2016 Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz at golfer Yuka Saso ay maaaring pagmulan din ng anumang kulay ng medalya mula sa premyadong lungsod ng Hapon.
167
