HINDI biro ang bunga ng reclamation projects sa mga anyong tubig sa bansa. Baha rito, baha roon. Pero bakit kaya patuloy pa rin ang pagsusulong ng gobyerno sa reclamation projects – partikular sa Manila Bay?
Ang sagot – dangan naman kasi, pasok na sa banga ang daan-daang milyong paunang SOP ng mga ito sa mga kasador na kumakatawan sa mga tanggapan ng pamahalaang dapat sana’y kumakalinga sa interes ng mamamayan.
Ang totoo, hindi kayang tibagin ang isa sa mga nakasungkit ng nasabing proyekto. Bakit kamo? Kilala siyang malapit sa Pangulo, bagay na kinumpirma mismo ni Rodrigo na tinulungan ng kapitalista sa pagtahak ng landas patungo sa Palasyo.
Sa datos na nakalap ng Insider, lumalabas na sa libo-libong proposals na tinanggap ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na pinamumunuan ni Atty. Janilo Rubiato, isa si Dennis Uy sa mga pinaboran ng gobyerno.
Nasungkit ng Udenna Development Corporation ni Uy, ang Notice to Proceed para sa Phase 1 o katumbas na 265-ektaryang reclamation project sa Manila Bay na sakop ng Pasay City.
Teka, sino nga ulit? Dennis Uy ba kamo? Siya ba yung sinasabi ng Commission on Elections (Comelec) na nag-ambag ng malaki sa kampanya ng noo’y kandidato sa pagka-pangulo na si Rodrigo Duterte? Siya rin ba ‘yung may-ari ng kumpanyang ginawaran ng kontrata ng Comelec para sa isang sensitibong bahagi ng nalalapit na halalan?
Usap-usapan ang magandang tadhanang tinamasa ni Uy. Katunayan, namayagpag si Uy sa pag-upo ng Pangulo sa Palasyo. Nagawa niyang makapangutang ng tumataginting na P16 bilyon bitbit ang impluwensiya ng kanyang natulungang kandidato.
Sa panunungkulan din ni Duterte nagawa ni Uy na makopo ang 90% controlling stake ng Malampaya gas field sa Palawan. Siya rin ang lumalabas na may-ari ng Dito Telecommunity na pinaboran ng gobyernong noo’y naghahanap ng 3rd Telco laban sa mga oligarko sa likod ng Smart at Globe telecoms.
Pero lingid sa marami, nahaharap din sa kasong oil smuggling si Uy kasama ang isang Jorlan Cabanes at iba pa. Pero dahil sa impluwensya, natulog ang asunto sa Korte Suprema kung saan pawang Duterte appointees ang mahistrado – maliban sa dalawa, sina Associate Justice Marvic Leonen at Benjamin Caguioa.
‘Yan ang negosyante, mahusay dumiskarte!
158