NADAKIP ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at nakumpiska ang tinatayang P4.8 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation noong Biyernes ng gabi sa Navotas City.
Swak sa hoyo si Saipoden Guinal, alyas “Saipo,” 31, ng Rm. 16, 4th Floor, New Barter Trade, Brgy. 383, Quiapo, Manila.
Ayon sa ulat, alas-8:07 ng gabi nang isagawa ang operasyon laban sa suspek sa C4 Road, Brgy. North Bay Boulevard North.
Nakaiskor ng P39,000 halaga ng shabu ang isang undercover cop mula kay Guinal at nang kunin ng huli ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng shabu ay dinaluhong siya ng mga parak.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang 700 gramo ng umano’y shabu na may standard drug price na P4,760,000 at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek. (ALAIN AJERO)
190 