PANGASINAN – Patay ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga makaraang manlaban sa mga tauhan ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG), sa isinagawang anti-illegal drug operation noong Martes ng gabi sa bayan ng Urdaneta sa lalawigan.
Ayon sa ulat ni PDEG Director Brig. Gen. Jason Capoy, dakong alas-10:30 ng gabi, napagkasunduan ng suspek at police poseur buyer na magkita sa isang lugar.
Matapos ang nasabing transaksyon, nagbigay ng hudyat ang police poseur buyer sa kanyang mga kasamahan.
Ngunit sa halip na sumuko si alyas “Dupax” ay binunot nito ang kanyang baril at pinutukan ang mga pulis dahilan upang gumanti ang mga ito na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Naisugod pa sa Urdaneta District Hospital ang suspek subalit nalagutan ng hininga dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan.
Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang tinatayang 40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P272,000, gayundin ang buy-bust money at baril na ginamit ng suspek.
(TOTO NABAJA)
