Tulfo tinabla ng 2 kongresista PAGLUSAW SA 4Ps BUTATA SA KAMARA

SI Sen. Erwin Tulfo habang nagbibigay ng kanyang privilege speech sa Senado ngayong Lunes. DANNY BACOLOD

NAGTATANGKA pa lamang si Sen. Erwin Tulfo na ilatag ang kanyang panukalang ibasura ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at palitan ito ng livelihood, binutata na ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi nina 4Ps party-list Rep. JC Abalos at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na kontra ang mga ito sa panukala ng senador at iginiit na hindi palamunin ang 4Ps beneficiaries.

“Livelihood is indeed a powerful tool against poverty. But 4Ps addresses poverty from a different front, by investing in the education and health of children from the poorest households,” paliwanag ni Abalos.

Unang naging institusyon ang 4Ps noong panahon ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 11310 kung kung saan mahigit 4 milyong mahihirap na pamilya ang nakakakuha ng buwanang tulong pinansyal kapalit ng pag-enroll ng mga ito sa kanilang anak sa basic education, pagpapa-check up at iba pa.

Gayunpaman, nais ni Tulfo na ibasura na ang batas na ito at palitan ng livelihood program upang maturuan aniya ang mahihirap na maghanap-buhay dahil masakit na tawagin silang freeloader o palamunin, tamad at pabigat sa lipunan.

“Hindi palamunin ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps,” ayon naman kay De Lima dahil may kondisyon aniya ang programang ito para maipagkaloob sa mga benepisyaryo ang suporta ng gobyerno.

Tulad ni Abalos, aminado si De Lima na may butas ang batas subalit hindi ito dapat maging dahilan para ibasura dahil malaking tulong aniya ito sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

“Hindi perpekto ang 4Ps. Pero huwag nating sirain ang isang programang may mabuting layunin at malinaw na tagumpay, lalo na’t may mga kongkretong hakbang para mas mapabuti ito.

Responsable ang gobyernong inaamin ang mga butas at ginagawan ito ng paraan. Iyan ang klase ng pamumunong aking ipinaglalaban,” ayon pa kay De Lima.

Sinabi naman ni Abalos na puwedeng amyendahan lang ang nasabing batas para masiguro na hindi ito nagagamit sa pulitika.

(BERNARD TAGUINOD)

17

Related posts

Leave a Comment