TULOY ANG LIGAYA NG GRUPO NI ALYAS ‘BRYAN’

HINDI dapat matapos lang ang hakbang ng gobyerno sa pagpapaalis sa mga empleyadong Chinese nationals ng ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kundi dapat mabigyan din ng kaukulang parusa ang mga nasa likod ng pagdami ng ilegal na mga trabahanteng ito sa bansa.

Sa inilabas na pahayag kamakailan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, sinabi nito na dapat nang boluntaryong umalis ang mga manggagawang Chinese nationals sa Pilipinas, matapos na sabihin ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA, na hindi na maaaring mag-operate ang mga POGO sa Pilipinas.

Kung sinasabi ni Tansingco na kusang umalis na ang mga Tsekwa na nagtatrabaho sa mga POGO sa Pilipinas, ibig sabihin niyan balewala na rin ang ginawang raket ng grupo ni alyas “Bryan”?

Pumutok kasi ang grupo ni alyas “Bryan” o “Byaran” nang mapaulat na sa kanila dumaraan ang Chinese nationals bago makapasok ang mga ito sa mga POGO.

Nasa P20K lang naman, Commissioner Tansingco, bawat isang Chinese national, ang inihahatag sa grupo ni alyas “Bryan”.

Sa dami, Sir (Comm. Tansingco), na pumasok na mga Tsekwa sa mga POGO, busog na sigurado ang mga bulsa nina alyas “Bryan”.

Halos parehas din ang diskarte nina alyas “Bryan” sa “Pastillas Gang” na kailangang makapagbigay muna sa kanila ang mga Tsekwa bago sila payagang makapasok sa mga paliparan sa bansa.

Ayon sa aking source, kabilang sa mga lugar na pinapasukan ng mga kliyenteng Tsekwa nina alyas “Bryan”, ay ang Cagayan Airport at NAIA.

Malakas ang loob ni alyas “Bryan” dahil bagyo daw ang dating nito sa kanyang bossing sa BI. Sino kaya itong ipinagmamalaki ni alyas “Bryan” sa Immigration?

Sa susunod ay ipasisilip natin kung sinong opisyal ng BI itong ginagamit at ipinagmamalaki ni alyas “Bryan”.

Kahit naman daw ipinatigil na ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas ay tuloy pa rin naman ang raket ng grupo ni alyas “Bryan”.

Ang POGO ay isa lang daw sa mga source of income ng grupo ni alyas “Bryan”, ‘yan ay alalamin din natin sa ating mata riyan sa BI.

Kaya pala itong mga taga-BI, ‘pag umuwi sa kanilang mga probinsiya, akala mo ay mga negosyante sa Maynila, sa dami ng kanilang pera na ipinagyayabang sa kanilang mga kababayan sa mga lalawigan.

Mayroon po kasing sumbong sa akin na ang isang taga-Samar na nagtatrabaho sa BI, noong umuwi ay akala mo ay negosyante, bunot dito, bunot doon ng pera, tinalo pa si FPJ sa galing bumunot.

Matatandaan natin, sa sinalakay na mga POGO sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga ay may natagpuang mga uniporme ng People’s Liberation Army (PLA) ng China.

Pinaghihinalaan na ang ilang mga empleyado ng POGO sa bansa ay may mga pinasok na sundalo ng PLA ng China, para sa posibleng pagtitiktik ng mga ito.

Naging front din ng sugal, prostitusyon, kidnapping, human trafficking at iba pang krimen ang nabanggit na mga POGO.

Kung ganoong perwisyo ang idinulot ng mga POGO na ito ay hindi dapat palagpasin ang ginawa nina alyas “Bryan” na pagpapasok ng mga Tsekwa kapalit ang P20K bawat isa.

Busog ang kanilang (alyas “Bryan” group) mga bulsa, perwisyo naman ang dulot ng mga POGO sa taumbayan.

Lagi kong sinasabi na kapag hindi mabibigyan ng mabigat na parusa ang mga empleyado at opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian ay magiging paulit-ulit na lamang itong kanilang ginagawa.

Lalo pa silang magyayabang dahil hindi naman sila nabibigyan ng pinakamabigat na parusa.

Panahon na para magkaroon ng batas na dapat mas mabigat ang parusa sa mga empleyado at opisyal ng gobyerno na masasangkot sa mga katiwalian at kriminalidad.

Ipinagmamalaki pa ng mga ito na kaya nakagagawa sila ng kalokohan ay dahil malakas sila sa kanilang mga boss. Magkano? Ay naku, weather-weather lang talaga!

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

135

Related posts

Leave a Comment