TARGET NI KA REX CAYANONG
ILANG buwan mula nang ilunsad ang kauna-unahang Kadiwa outlet sa bansa, hanggang ngayon ay tuloy-tuloy ang operasyon ng programa.
Nakakalat na rin sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga sangay nito.
Ngunit aminado si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na may hamong kinakaharap ang proyekto.
Nakasalalay aniya sa magandang produksiyon at supply side ang operasyon ng mga Kadiwa outlets sa bansa.
Isa sa mga nakikita niyang problema ay ang kakulangan sa produksyon na isa sa mga mabibigat na balakid dito.
Kung pagtutuunan naman aniya ng pansin ang mga imported na produkto, hindi rin ito maibenta sa presyong gusto ng pamahalaan.
Kaya naman, mahalaga raw na mapataas ang produksiyon ng lahat ng mga produktong pang-agrikultura.
Unang sinimulan ang programa noong nakaraang taon kung saan layon nitong alisin sa eksena ang mga middleman at makapagbenta ng mura at de-kalidad na mga produkto sa ating mga kababayan.
Sa kabilang banda, nagbubunga naman ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan dahil lumago ng 2.2% ang ekonomiya ng bansa habang nag-ambag ng 9.1% sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP) sa unang quarter ng taon.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi matapos-tapos ang isyu laban sa ilang senador na hindi raw maganda ang ipinamamalas na asal sa publiko.
Aminado naman si Sen. Robinhood Padilla na naaasiwa siya na tawaging kagalang-galang ng publiko.
Hinalal nga naman daw siya ng taumbayan dahil sa kanyang natural na kilos at pananalita.
Kung maaalala, naging viral sa social media ang pagsuklay ng bigote ni Padilla habang nagsasagawa ng public hearing ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Maging ang misis ni Padilla na si Mariel Rodriguez ay ipinagtanggol naman ang kanyang mister.
Wala raw sa rules of Senate na bawal magsuklay ng bigote.
Sabi naman ng senador, hindi raw siya ang pinarunggitan ni dating Senate President Franklin Drilon na dahilan ng pagbaba ng imahe ng Senado dahil sa kawalan ng decorum.
Aba’y ayon kay Padilla, sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Majority Leader Joel Villanueva raw ang pinagsasabihan ni Drilon.
Sa palagay ko naman, tama si Padilla.
Napanood ko naman kasi ang mga nagdaang pagdinig sa Senado at wala naman akong natatandaang may ginawa siyang paglabag.
Wala rin akong naaalalang nagmura siya at nag-ingay sa mga sesyon o pagdinig sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
155