DAVAO City – Bali-bali ang buto ng isang kusinero matapos salpukin ng isang sasakyan habang tumawid sa Davao-Cotabato national highway sa Sitio Goma, Brgy. Zone IV, sa bayan ng Sta. Cruz, sa lalawigan ng Davao del Sur, dakong alas-9:25 nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ng Traffic Section ng Sta. Cruz Municipal Police Station, kinilala ang biktimang si Jerry Ipal, 46, may-asawa, kusinero ng GSL Premium Food Export Corporation at residente sa lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tumatawid ang biktima sa kalsada nang biglang sumalpok sa kanya ang isang Suzuki Ertiga (AGA 6065) na minamameno ni Jude Vincent Redoblado Bual, 28, electronics technician at residente sa Block 1, Lot 10, Consolacion Village, Cagayan de Oro City.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima sa daan na nagresulta sa grabeng pinsala sa kanyang katawan.
Dinala ang biktima sa Medcrore Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nasa punerarya na ang biktima habang ang driver ng sasakyan ay isinailalim sa kustodiya ng mga awtoridad upang mapanagot sa insidente. (DONDON DINOY)
