UE ‘DI DAPAT MAKAMPANTE

ROLL VTR Ni VT ROMANO

NAKATATLONG panalo na ang University of the East (UE) sa UAAP Season 85 men’s basketball tournament.

Kung tutuusin napakalaking achievement na ito ng Red Warriors, after a winless Season 84 campaign.

Mula sa 0-14, mapapa-wow! ka sa ipinamamalas ng tropa ni Coach Jack Santiago ngayong tangan nila ang 3-4 records.

Kasama sa panalong iyon ang laro kontra De La Salle Green Archers.

Umaasa tayong mauulit iyon ng UE sa second round.

Pero, gaya ng sabi ni coach Santiago, mahaba pa ang giyera. Umaasa siyang mananatiling gutom sa panalo ang kanyang players, upang sa unang pagkakataon ay makatapak na muli sa Final 4.

Tama si Coach Santiago, kailangan ng Red Warriors kumayod pa nang todo sa second round. Hindi dapat makampante sa tatatlong panalo.

Nakakasawa na rin naman ‘yung ilang season laging kulelat sa liga ang UE.

Ang maganda lang nito, lumalaban nang todo ang Warriors kahit walang foreign-student athlete sa lineup ng team.

Dehado kung tutuusin ang UE bunga ng kawalan ng foreign-student athlete sa koponan.

Tanging ang tropa ni Coach Santiago ang walang dayuhang manlalaro sa liga.

Saludo tayo sa ginawa ng UE ‘wag maglagay ng dayuhang manlalaro sa koponan.

Sa ganitong paraan, mas ­maraming student-athlete ang maeengganyong mag-tryout sa team.

Aminin natin, mas nabibigyan ng mas mahabang playing time ang mga dayuhang manlalaro kumpara sa locals.

Kaya mas mainam na ‘yung ­ganoong set up ng UE, baka mas ­magiging maganda pa nga ang kampanya ng team kung puro Pinoy ang lumalaro.

Tiyak tayong maraming nag-aabang sa UE sa second round. Good luck, Red Warriors!

***

SA tuwing pinanonood ko ang laro ng Los Angeles Lakers, hindi ko alam kung maiinis o maaawa ako kay Russell Westbrook.

Mukhang wala nang magagawa si coach Darvin Ham sa sitwasyon ni Westbrook.

Habang pinanood ko, parang ingat na ingat si Westbrook magkamali. Pigil na pigil ang kanyang galaw.

Aminin man o hindi ni Westbrook, naaapektuhan na rin siya ng pamba-bash ng fans, kaya’t hindi siya makapokus sa laro.

Nakakaawa rin ang sitwasyon niya sa koponan, dahil tila lahat ng mata nakatuon sa kanya at para bang hindi siya maaaring magkamali sa tuwing nasa loob ng court.

Kung gusto ni Westbrook magkaroon ng katuturan ang presensya niya sa NBA, hindi kaya mas magandang magpa-trade na lang siya.

Pero, para mangyari iyon, kailangan niyang magbaba ng presyo.

Dapat aminin ni Westbrook, hindi siya ‘fit’ sa sistema ng Lakers.

Magpakatotoo para hindi siya la­ging naba-bash.

Isang bagay pa, mawawalan ng saysay kahit masira ni LeBron James ang scoring record ni Kareem Abdul-Jabbar, kung muli namang mabibigong makarating sa finals ang koponan.

178

Related posts

Leave a Comment