MULING binisita ni Senator Christopher “Bong” Go kamakailan ang Marikina City, na isa sa mga lugar na matinding napinsala ng bagyong Ulysses, upang magbigay ng ayuda sa mga residente doon.
“Hindi naman maiiwasan sa panahon ngayon ng climate change, talagang lumalakas ang ulan. So, nandiyan talaga ‘yung banta ng pagbaha. Sa tulong ng buong gobyerno, lalo na ang local government units sa pamamahala ng inyong mayor, ay dapat maiahon kaagad kayo. Importante sa amin ang buhay ng bawat Pilipino. Importanteng buhay kayo,” ayon kay Go.
Nabatid na kabilang sa mga tulong na ipinagkaloob ni Go sa may 2,298 residente ay mga pagkain, food packs, vitamins, masks at face shields.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa Concepcion Elementary School, H. Bautista Elementary School, Nangka Elementary School, at Malanday Elementary School, habang tinitiyak na istriktong naoobserbahan ang health at safety protocol upang masigurong walang magaganap na posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ilang piling benepisyaryo rin ang pinagkalooban ng bisikleta upang mabilis silang makabiyahe patungo sa kani-kanilang trabaho ngayong limitado pa rin ang mga pampublikong transportasyon sa bansa.
Mayroon din namang tumanggap ng tablets na magagamit ng kanilang mga anak para sa online education ng mga ito.
“Mga kabataan, makinig kayo. Mag-aral kayo nang mabuti. Kunsuwelo niyo sa inyong mga magulang ang makita kayong nakapagtapos ng pag-aaral,” dagdag pa ng senador.
Bilang karagdagan sa tulong mula sa tanggapan ni Go, namigay rin ang National Housing Authority (NHA) sa bawat benepisyaryo ng tulong pinansiyal upang muling maitayo ang kanilang mga tahanan na napinsala o winasak ng bagyo.
Kaugnay nito, hinikayat pa ng senador ang lahat, partikular na ang mga nakikiisa sa clean-up operations, na manatiling vigilante laban sa banta ng COVID-19, sa pamamagitan nang pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong lugar, pag-obserba ng social distancing at regular na paghuhugas ng kamay.
Nangako rin siya na kabilang ang mga vulnerable at mahihirap na sektor sa prayoridad ng gobyerno na mabigyan ng bakuna laban sa virus, sa sandaling maging available na ito sa bansa.
Nag-alok din ang senador, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health, ng tulong sa mga benepisyaryo na nangangailangan ng medical assistance.
Inimpormahan din ng mambabatas ang mga ito na mas madali na silang makapag-a-avail ng medical assistance mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Malasakit Center sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Brgy. Sto. Niño.
182
