CLICKBAIT ni JO BARLIZO
UMAARAY na ang mga Pinoy sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Masakit sa bulsa, nakababahala, at tiyak, ibayong pagtitipid sa pagkain ng kanin. Sa patuloy na pagsirit ng presyo, malamang hindi na masasabing kanin is life.
Nababahala na nga ang publiko sa pagsirit ng presyo ng bigas at ibang paninda at kagamitan, eto may pakunswelo na naman ang Department of Agriculture (DA). Sigurado ba ang pagtiyak ng DA na magiging matatag ang supply, presyo ng bigas, at iba pang kalakal para sa holiday season?
Hinintay munang tumaas ang presyo ng mga produktong pang-noche buena bago tahasang ipagmalaki na hindi na gagalaw ang presyo.
Pampakalma o pansamantalang ginhawa dahil may sorpresa ang bagong taon sa sambayanan?
Ang sorpresang hatid ng bagong taon na tiyak magpuputok ang butse ng publiko ay ang letseng pagsirit ng presyo ng iba pang bilihin.
Mula naman ito sa Department of Trade and Industry (DTI): Walang aasahang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin hanggang matapos ang 2023.
Kaso may pero… Ilang grupo ng manufacturer daw ang muling hihirit ng taas-singil pagsapit ng bagong taon.
Ito ang paputok na gusto sana ng publiko na magmintis, ngunit malamang na talagang sasabog.
Pagkatapos ng saya, dusa ang mapapala.
Sana magkaroon din ng amnestiya sa paggasta ang mga Pinoy.
Eto nga, binigyan ng amnestiya ni Pangulong Marcos Jr. ang mga rebelde at insurgent groups para magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
Pangmatagalang solusyon naman sa kahirapan at taas-presyo ang dapat maging layunin ng pamahalaan sa pangkalahatang mamamayan.
Lalo’t pagsapit ng bagong taon ay mararamdaman ang malaking epekto ng El Niño sa supply ng bigas. Halos 280,000 ektarya ng lupa ang maaaring maapektuhan ng El Niño sa bansa, ayon sa DA.
Nagbabala ang Samahang Industriya ng Agrikultura na dapat mas lalong paghandaan ng gobyerno ang epekto ng El Niño sa suplay ng bigas sa 2024.
Bagong taon, bagong pag-asa. Sana nga.
Sana rin, magbago na ang mga nakapwesto na ang tinitignan at iniisip ay interes ng mamamayan.
Kasi baka umiral pa rin ang:
Di baleng gutom followers basta busog mga lider.
Di baleng hikahos publiko, basta sagana at paldo mga politiko.
