UMEEKSENA ANG PINAS SA PARAMIHAN NG COVID-19

UMEEKSENA ang Pilipinas sa paramihan ng kaso ng COVID-19 sa mundo dahil sa hindi maawat na pagdami ng mga Pinoy na nahahawa araw-araw, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.

Mantakin n’yo ha, ika-8 ang Pilipinas sa 223 bansa sa mundo sa pinakamaraming naitalang kaso sa loob ng 29 araw base sa report ng Johns Hopkins University and Medicine (JHU) noong Martes.

Nakapagtala ang Pinas ng 527,114 COVID-19 ­cases sa loob ng 29 araw kasunod ng United States (US), India, United Kingdom, Iran, Brazil, Turkey at Malaysia at tinalo natin ang Russia, Thailand, Japan. France, Vietnam, Mexico at iba pa.

Pagdating din sa world ranking, ika-18 ang Pilipinas sa may pinakamaraming COVID-19 dahil umaabot na sa 2,401,916 ang naitalang kaso mula noong 2020 at patuloy pa itong nadarag­dagan araw-araw.

Kung hindi makontrol ng gobyerno ang patuloy na pagdami ng kaso sa ating bansa, baka mas tataas pa ang ranking natin sa buong mundo dahil may mga bansa ang pababa nang pababa ang kanilang kaso.

Ang liit ng bansa na­tin kumpara sa mga top-17 countries na may pinaka­maraming COVID-19 cases sa pangunguna ng US, India, Brazil, UK, Russia, France, Turkey, Iran, Argentina, Columbia, Spain, Italy, Indonesia, Mexico, Poland at South Africa, pero nakikipagsabayan tayo sa kanila sa paramihan ng kaso.

‘Yung mga nagtatanong kung ano ang ranking ng China na pinagmulan ng COVID-19, pang-109 sila sa 223 sa mundo dahil 95,810 pa lamang daw ang COVID-19 case sa kanilang bansa mula noong 2020 na isang kalokohan.

Wala namang maniniwala sa kanila dahil hindi naman nagsasabi ng totoo ang China at bawal sa kanilang media na i-report ang katotohanan na nangyayari sa kanilang bansa. ­Komonesta eh.

Mas lalong walang naniniwala na 4,636 lang ang naitala nilang bilang ng mga namatay sa COVID-19 sa China. Imposible dahil noong unang sumambulat sa Wuhan, ang virus na ito noong November 2019, ang daming namamatay na hindi nila isinasama sa kanilang death tally kaya hayaan n’yo na ang China. Hindi ‘yan magsasabi ng totoo dahil mas importante sa kanila ang kanilang imahe kaysa katotohanan.

Balik tayo sa Pinas, isa sa nakikitang dahilan kung bakit hindi mapigilan ang pagdami ng COVID-19 case ay dahil sa pagkukulang ng mga nanunungkulan sa pamahalaan.

May panahon pa para itama ang pagkakamali para hindi na dumami ang mga magkakasakit at kailangang magpaospital at huwag hayaan na maging top 10 tayo pagdating sa world record sa COVID cases.

Okey na sa akin na hawak natin ang world record bilang bansa na may pinakamaraming ipinapadalang text message araw-araw pero huwag naman na maging world record tayo ­pagdating sa COVID-19 case. Ang sama nun.

Kailangang may magawa ang gobyerno para maampat ang pagdami ng COVID-19 case dahil ­marami ang namamatay araw-araw dahil hindi ma-accommodate ng mga hospital na puno na ng mga pasyente.

Maraming pasyente ang itinataboy ng hospital. Hindi na sila nakakapasok sa emergency room dahil sa labas pa lamang ng hospital sinasabihan na silang mag­hanap ng ibang hospital dahil puno na sila.

Kung walang koneksyon o kakilala ang isang ­pasyente sa hospital, ma­mamatay na lamang sila na hindi man lang natse-check-up ng doctor dahil hindi na sila pinapapasok sa ER kaya maawa na kayo, please!

210

Related posts

Leave a Comment