UNITEAM WASAK KAY ROMUALDEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

SI House Speaker Martin Romualdez ang itinuturong lumikha ng lamat na nagdulot ng pagkawasak ng UniTeam.

Ito ay matapos pagkasunduan sa mababang kapulungan na alisan ng confidential funds si Vice President Sara Duterte.

“Tingin natin yung uniteam ay meron nang lamat dahil sa position sa iba’t ibang isyu lalo na itong confidential funds,” ani House deputy minority leader France Castro.

Magugunita na nagdesisyon ang liderato ng Kamara na sinuportahan ng iba’t ibang political party sa kapulungan ang paglipat sa P1.23 billion confidential funds sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang security agencies upang magamit sa pagbabantay at pagdepensa sa West Philippine Sea (WPS).

Kabilang sa halagang ito ang P500 million ng Office of the Vice President (OVP) at P150 Million sa Department of Education (DeEd) kung saan Secretary si Duterte.

Naging ugat din ang nasabing pondo para banatan ng ama ni Duterte na si dating Pangulong Rodrigo Duterte si Romualdez at maging ang buong Kapulungan na umano’y bulok bagay na pinalagan ng mga mambabatas.

Ayon naman sa isang mambabatas mula sa majority bloc na hindi nagpabanggit ng pangalan, malabo na umanong maibalik ang tiwala ng dalawang grupong bumuo sa UniTeam na ginamit nina Marcos at Duterte bilang behikulo noong 2022 presidential election.

Samantala, tila pinasaringan din ni Sen. Imee Marcos ang pinsang si Romualdez bagaman hindi niya ito diretsahang pinangalanan.

Sa isang pahayag, nagpatutsada sa liderato ng Kamara ang nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos, na kabastusan sa araw ng Yolanda ang ginagawa ng mga politikong pinagwawatak-watak ang bansa at ginagamit ang mga isyu sa pagpapapogi at pagpapalapad ng papel.

‘American style’
ginagamit vs VP Sara

IBINUNYAG ni Senador Imee Marcos na may mga politiko sa bansa na sinusunod ang American style ng pulitika at nagpapatupad ng tripleng aksyon upang pabagsakin ang nangungunang posibleng lumaban sa pagka-Pangulo sa susunod na eleksyon.

“Ang balita ko American style daw dahil may consultant na Kano na mag-umpisa ng maaga dahil triple ang trabaho. Dahil nga sa lakas ni VP Sara (Duterte), ang lakas ng pwedeng maging kandidato dapat daw agahan,” diin ni Marcos sa panayam sa radyo.

Aminado si Marcos na maging siya ay nagulat dahil sa maagang bakbakan ngayon sa pulitika gayung sa 2028 pa ang eleksyon.

Sa impormasyon ng senador, batay sa istilo ng kampanya, ang unang bahagi ay ang paggiba sa posibleng malakas na kandidato at susundan ng 2nd phase na awareness sa maaaring ilaban at ikatlong phase ay ang kampanya upang maging popular.

Tumanggi naman si Marcos na tukuyin ang sinasabing mga politikong kumokonsulta at sumusunod sa American style.

“Marami ako naririnig na consultant. Problema hindi yata nila kilala ang Pilipino. Ang Pilipino ayaw pumayag sa nega, nega na ‘yan. Pangit sa atin yan. Ang problema sa analysis ng Kano, siraan ng siraan ang leading candidate,” diin pa ni Marcos.

Kasabay nito, nagpasaring pa si Marcos sa anya’y pangkat ng politiko na nagmamayabang na nanalo sa sarili nilang lakas.

“May iba’t ibang pangkat na nagmamayabang na nanalo sa sarili nilang lakas, samantalang alam ko ang dahilan ay ang Solid North, Solid South, Solid Pinas,” diin pa ni Marcos.

Muling iginiit ng senadora na hindi magigiba ang kanyang suporta sa mag-amang Duterte dahil mula’t mula ay magkakaibigan sila at pare-pareho ang adhikain na iangat ang Pilipinas.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

316

Related posts

Leave a Comment