‘UNTOUCHABLE’ BA SI ROMUALDEZ?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAPANSIN n’yo rin ba na tuwing may bumabanggit ng pangalan ni Speaker Martin Romualdez sa mga isyu ng katiwalian, bigla silang nagiging target ng smear campaign, o tuluyang nawawalan ng puwesto?
Sa social media, marami na ang nagtatanong kung bakit tila takot ang ilan na banggitin ang pangalan ng Speaker, lalo na pagdating sa flood control mess at iba pang kontrobersiya sa pondo ng gobyerno.
Isa sa mga unang nakaranas nito si Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ng Cavite. Matapos niyang manawagan ng imbestigasyon sa flood control funds na umano’y may kaugnayan sa tanggapan ng Speaker, sunod-sunod agad ang atake at isyu laban sa kanya — mula sa ethics complaint hanggang sa paratang na bahagi raw siya ng “signature campaign” kontra kay Romualdez. Sa huli, nagbitiw si Barzaga sa National Unity Party at sa House Majority, at piniling prinsipyo kaysa posisyon — kapalit nito ang malinaw na panggigipit.
Maging si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay nagsalita rin. Diretsahan niyang tinanong kung bakit tila may “script” para iligtas si Romualdez sa mga imbestigasyon. Ngunit imbes na sagutin, siya pa ang inakusahan ng pamumulitika. Mabilis ang depensa, pero mabagal ang tugon sa mga isyung dapat sanang ipinaliwanag.
Si Baguio City Mayor Benjie Magalong naman, naglakas-loob na magsalita tungkol sa umano’y “ayuda funds” na napupunta raw sa piling kongresista, at konektado umano sa opisina ng Speaker.
Tinawag ng kampo ni Romualdez na “baseless” ang paratang, pero nanindigan si Magalong na dapat buksan sa publiko ang lahat ng record. Kasabay nito, hindi maiwasang mapansin ang kanyang biglaang pag-alis sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) — isang hakbang na marami ang nagtanong, “coincidence lang ba?”
Sumunod si Rep. Toby Tiangco ng Navotas, na nagbitiw din sa House Majority matapos isiwalat ang umano’y kakulangan ng transparency sa budget allocations at pag-impluwensiya ng Office of the Speaker sa mga proyekto para sa ayuda at kabuhayan. Mula noon, tila itinulak siya sa gilid ng Kamara.
Sa lahat ng ito, malinaw ang pattern: kapag nababanggit si Romualdez, may kapalit. Ethics complaint, banta ng kaso, political isolation, o black propaganda — parang sinasakal ang sinumang magsasalita.
Kaya’t tanong ng marami: Bakit tila bawal banggitin ang pangalan ni Romualdez? “Untouchable” na ba talaga siya? Kung bawat kritiko ay tinatabunan ng panggigipit, paano pa uubra ang check and balance sa pamahalaan? Kung bawat whistleblower ay kakasuhan, sino pa ang mangangahas na magsiwalat ng katotohanan?
Sa ilalim ng kasalukuyang liderato, tila pangingilag at pananakot ang umiiral imbes na transparency at accountability. Baka panahon na para tanungin muli: Kongreso ba ay naglilingkod sa bayan — o nagtatanggol sa sarili?
241

Related posts

Leave a Comment