NAKAHANDA ang pamahalaan ng United States of America na i-share sa mga Filipino ang kanilang dini-develop na anti-coronavirus vaccine at iba pang uri ng gamot, oras na maging available na ito.
Ito ang ipinarating ni US Defense Secretary Mark T. Esper kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon kay Esper, “The developments on vaccines and therapeutics in the US are making very good progress”.
Nabatid na nagkaroon ng telephone conference sina Lorenzana at Esper nitong nakalipas na Araw ng Kalayaan para talakayin ang mga kaganapan hinggil sa Philippines-US bilateral defense relations.
Pinasalamatan ni Esper ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa naging suporta nito sa pasya ng Philippine Government na pansamantalang suspendihin ang termination ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Dito naibahagi ni Secretary Lorenzana kung paano tinutugunan ng Pilipinas ang kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19 sa bansa.
Pinasalamatan din ng kalihim ang US sa kanilang medical assistance at multi-million halaga ng donasyon ng medical supplies.
Natalakay rin sa pag-uusap ang security situation sa South China Sea (SCS), counter-terrorism at logistics cooperation, partikular sa capability upgrades ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nauna nang nagpahayag ang China na handa silang i-share ang kanilang madidiskubreng anti-COVID-19 vaccine sa Pilipinas. JESSE KABEL
