INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa malakihang fraud at itinuturong mastermind ng $840,000 voice phishing scam.
Kinilala ni FSU Chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Moon Hayoung, 40-anyos, nadakip noong Pebrero 26 sa Barangay Palamis, Alaminos City, Pangasinan sa isinagawang operasyon ng Korean authorities at lokal na pulisya.
Si Moon ay may Interpol Red Notice at may arrest warrant mula sa Suwon District Court dahil sa paglabag sa Article 347(1) ng Korea’s Criminal Act.
Ayon sa ulat, noong 2017 pa nagtatag ang suspek ng voice phishing syndicate na nagpapanggap na kinatawan ng isang bangko sa Korea at nakapanloko ng humigit-kumulang USD 840,000.
Nadiskubreng may hawak ang suspek na pekeng Philippine passport sa pangalang “Jonathan Martinez Park” at napaulat na may-ari rin ng ilang resort sa Batangas at Pangasinan.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, hindi papayagan ng pamahalaan ang mga dayuhang gumagamit ng pekeng identidad upang takasan ang batas.
Kasalukuyang nakadetine si Moon sa BI Warden Facility habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanya.
(JOCELYN DOMENDEN)
71 