KALABAN ng administrasyong Duterte ang sinumang kakampi at magtatanggol sa Communist Party of the Philippines/New Peoples Army/National Democratic Front of the Philippines (CPP/NPA/NDFP), sapagkat itinuturing ng pamahalaan na ”enemies of the state” ang tatlo.
Ngayong putok ang isyu tungkol dito, nabira si Speaker Lord Allan Jay Velasco dahil kinampihan at ipinagtanggol nito ang mga kongresista ng Makabayan Bloc mula sa banat ni Lt. Gen. Antonio Perlade Jr., kumander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command (Solcom) at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF – ELCAC).
Isa sa bumatikos kay Velasco ay ang Die Hard Duterte Supporters (DDS) na nagsabing hayagang benalewala at minaliit nito ang AFP sa pangangalap nito ng mga impormasyon laban sa CPP/NPA/NDFP at mga prenteng ligal na mga organisasyon nito.
Sa kanilang Youtube Channel, binira ng grupo ang pagkampi ni Velasco sa Makabayan Bloc, samantalang ignorante naman ito pagdating isyu ng komunismo.
“Kung talagang kay Pangulong [Rodrigo] Duterte ka, sumunod ka sa kumpas ni Pangulong Duterte [dahil] hindi naman sila mag-aakusa nang walang ebidensya. Sinasabi mong careless accusations [ang ibinato ni] Parlade, hindi sila (grupo ng huli) caresless, puno ng ebidensya, hindi ka nanonood, wala kang internet? Sanay ka namang gumamit ng cellphone, bakit hindi mo tiningnan. ‘Yung Makabayan bloc meron ebidensya ang ating pamahalaan [laban dito], kaya ‘wag ibahin ang usapan. Itigil ang pagtatanggol d’yan”, bigwas ng DDS.
Sabi kasi ni Velasco: “As speaker of the House [of Representatives]. I am duty bound to protect them from potential harm due to these careless accusations”.
“We may not agree with them (Makabayan representatives) on certain issues, but be mindful that these lawmakers are duly elected representatives of the people and implicating them on issues that have yet to be substantiated is uncalled for”, paliwanag ni Velasco.
Kumbinsido ang mga tagasuporta ni Duterte na binigyan ni Velasco ng “proteksyon” ang bloke ng Makabayan na syempre hindi nila nagustuhan.
Tingin nila ‘kalaban’ ng administrasyong Duterte si Velasco.
Ngunit, hindi maipagkakailang ikinagalak ng bloke ng Makabayan ang depensa at proteksyon ng pinuno ng Kamara de Representantes sa kanila laban sa katotohanang inihayag ni Parlade sa publiko.
Kaya, todo-todong pinasalamatan nina Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Representative France Castro kay Velasco.
Ganito ang sabi ni Castro: “Lubos naming pinasasalamatan si Speaker Velasco. ‘Yung ginagawa niyang pagtatanggol sa kanyang kasamahan, lalo na siya ay speaker. Ngayon lang ako nakarinig ng speaker na ganito”.
Dalawang punto ang naglalaro sa isipan ng mga kakapanalig ni Duterte sa ginawa ni Velasco.
Una, posibleng natatakot si Velasco sa CPP/NPA/NDFP dahil mayroong mga miyembro ng NPA sa teritoryo nitong Marinduque.
Ikalawa ay magagamit ni Velasco ang pangkat ng Makabayan at NPA sa halalang 2022.
Hinamon ng DDS si Velasco na patunayang kakampi siya nina Pangulong Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio.
May punto ang samahan dahil malaki ang nagawa ng mag-ama kung bakit nakamit ni Velasco ang kanyang ambisyong maging speaker ng Kamara.
“Sinasabi [ni Velasco] na close s’ya kay Pangulong Duterte at Mayor Sara, pero hindi niya alam na ang mga Duterte mismo ang nagsabi ba may kaugnayan ang Makabayan bloc sa CPP/NPA”, pahayag ng DDS.
Ipaalala ko lang ang ibinunyag ni Sara noong Oktubre 8,2018 na “milking cow” ng teroristang komunista ang kanilang party – list groups sa Kamara.
Sinabi rin ni Sara na pawang mga “terorista” at “sinungaling” ang mga mambabatas ng Makabayan.
Noong 2016 naman ay diretsong tinumbok ni Pangulong Duterte sa harapan ng mga sundalo ng 1st Infantry Division ng Philippine Army (PA) sa Labangan, Zamboanga del Sur na konektado ang mga kaliwang kongresista sa CPP.
Ang totoo pa nga raw ay nagbibigay ng pondo ang mga ito sa NPA, birada ng pangulo.
Hanggang ngayon ay solido ang paniniwala at pagtitiwala ng DDS kay Duterte.
Kaya, kauna-unawa kung bakit matindi ang pagkadismaya ng samahan kay Velasco dahil isang buwang speaker pa lamang sa pinakamataas na puwesto sa Kamara ay bumangga na ito sa anti – komunistang paninindigan ng adminitrasyong Duterte.
Pokaragat na ‘yan!
205 