VisMin Cup Mindanao leg PAGADIAN NAKATAKAS SA ZAMBOANGA

SINANDIGAN ng Pagadian si Rich Guinitaran sa krusyal na sandali upang maitakas ang 82-68 win laban sa liyamadong JPS Zamboanga City, Martes sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao leg sa Provincial Gymnasium ng Ipil, Zamboanga Sibugay.

Mula sa 13 puntos na lamang ng Pagadian ay naibaba ito sa tatlo ng Zamboanga tampok ang three-pointer ni Jaypee Belencion may 3:54 ang nalalabi sa final period.

Ngunit hindi nagpabaya ang Explorers sa pangunguna ni Guinitaran, na kumamada ng walong sunod na puntos kabilang ang putback mula sa mintis ng kasanggang si Mark Benitez, para hilahin muli ang bentahe sa double digit sa nalalabing 1:51 minuto.

Umiskor si Guinitaran ng kabuuang 26 puntos mula sa 8-of-10 shooting clip kabilang ang 5-of-6 sa three-points, limang rebounds at limang assists para sa ikalawang sunod na panalo ng Explorers. Nag-ambag si Keanu Caballero ng 10 puntos, pitong rebounds at pitong assists.

Nanguna sa pre-tournament favorite Zamboanga (1-1) sina Gabby Espinas at Jerwin Gaco na tumipa ng 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Hindi nakalaro ang pambatong playmaker nito na si Fran Yu bunsod ng ‘stiff neck’, habang may pamamaga sa kanang tuhod si Gino Jumao-as matapos ang banggaan sa pakikipag-agawan sa bola 1:57 minuto pa lang sa first period.

Asam ng Pagadian ang 3-0 kartada sa pakikipagtuos sa powerhouse Basilan bukas (Huwebes) ganap na alas-4 ng hapon.

134

Related posts

Leave a Comment