VP SARA ‘DI TIYAK NA DADALO SA DAY 1 NG IMPEACHMENT HEARING

WALANG kumpirmasyon kung dadalo si Vice President Sara Duterte sa unang pagdinig ng kanyang impeachment case ngayong Marso 25.

Ayon kay House Justice Committee Chairman Gerville Luistro, wala pa silang natatanggap na anomang abiso mula sa kampo ng Bise Presidente.

“Wala tayong nare-receive about the possibility of the Vice President attending our hearing tomorrow,” ani Luistro.

Gayunman, tiniyak nito na bukas ang komite para kay Duterte at tuloy-tuloy ang pagpapadala ng imbitasyon sa kanya.

“Hangga’t hindi natatapos ang hearing proper, we will keep on sending invitation to her so that at any point… she can actually come,” dagdag pa nito.

Giit ni Luistro, hindi lamang ito pormalidad kundi pagkakataon para maipagtanggol ni Duterte ang kanyang sarili.

“If you’re claiming innocence, you should take advantage of all opportunity to prove your innocence.”

“I think it’s about time na marinig na ng taong bayan ang kasagutan ng ating Vice President,” aniya pa.

Ngayong Marso 25, sisimulan ng komite ang pagtukoy kung may probable cause ang impeachment case—isang prosesong maihahalintulad sa “mini trial” kung saan ilalatag ang ebidensya ng magkabilang panig.

Nilinaw naman na ang Senado ang magdedesisyon sa guilt o innocence bilang impeachment court.

Eksaktong alas-10:00 ng umaga sisimulan ang pagdinig sa House of Representatives sa pamumuno ni Luistro.

Unang tatalakayin ang mga nakabinbing mosyon kabilang ang paghingi ng subpoena para sa bank records at iba pang mahahalagang dokumento, pati ang kahilingang ilagay sa kustodiya ng Kamara ang testigong si Ramil Madriaga, na sinasabing “bagman” umano ng Bise Presidente.

Mahigpit na “rules-based” ang magiging proseso kung saan tanging mga miyembro ng komite ang papayagang mag-cross examine ng mga testigo.

Ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints ay inendorso ng ilang mambabatas kabilang si Cong. Leila de Lima, matapos ibasura ang unang dalawang reklamo.

Nakatakda ang mga susunod na pagdinig sa April 14, 22 at 29.

(TINA MENDOZA)

55

Related posts

Leave a Comment