NAGSANIB-PWERSA na sina Vice President Sara Duterte at Manila mayoral candidate Isko Moreno.
Kasunod ito ng pagdalo ni VP Sara sa campaign rally ng Yorme’s Choice sa Mayhaligue, Distrito dos ng Maynila noong Huwebes ng gabi at pag-endorso ng Bise Presidente sa Team Duterte para sa May 12 elections.
Sinuportahan din ni VP Sara si Isko na tumatakbong alkalde ng Maynila gayundin ang kanyang buong tiket dahil naniniwala siyang maganda ang kanilang mga layunin na mamuno sa lungsod.
Inilarawan niya kung gaano kabuti ang pamamalakad ni Domagoso sa Maynila noong siya ay nakaupo bilang alkalde at kung ano pa ang magagandang plano nito para sa mga Manileno.
Aniya, dapat alamin ng botante ang abilidad at kapasidad ng isang kandidato na maglingkod para sa bayan.
“Kapag ikaw isang lider, ginampanan mo ang tungkulin mo sa taumbayan–sinumpa mong tungkulin ay iayos mo kahit hindi ka na makita ulit ng tao– iboboto ka ulit ng taumbayan,” saad naman ni Domagoso.
Si Domagoso ay prayoridad ang kapakanan ng nakararami kaya naman naging mabilis ang kanyang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Manileno lalo na noong kasagsagan ng lockdown.
Sa huli, nagpasalamat si VP Sara sa Manileno sa suporta at pagmamahal, pakikinig at ang patuloy na pagtitiwala sa kanya, kay dating pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang pamilya.
Pinasalamatan din niya si Domagoso dahil sa pagpapahiram aniya nito ng stage, microphone, LED wall at kuryente para sa kanyang pangangampanya sa Maynila para sa Team Duterte.
Umapela rin si Domagoso sa mga botante ng Maynila na suportahan ang senatorial candidates na sina Atty. Jimmy Bondoc at re-electionist Sen. Imee Marcos na dumalo rin sa campaign rally.
(JOCELYN DOMENDEN)
