TINULIGSA ni Vice President Sara Duterte ang proseso ng impeachment laban sa kanya, kasabay ng pagsusumite ng kanyang 15-pahinang sagot sa Kamara.
Pinabulaanan ni Duterte ang mga alegasyon at iginiit na kulang umano sa “ultimate facts” ang reklamo, bukod pa sa kwestyon sa due process.
Pero ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, iwas-sagot ang ginawa ng Bise Presidente at mas pinili nitong kuwestiyunin ang proseso kaysa harapin ang mga isyu.
Kabilang sa mga alegasyon ang paggamit ng confidential funds, pagbabanta sa opisyal, at isyu sa SALN.
Nanindigan si Duterte na walang ebidensya ang mga paratang at hiniling na ibasura ang impeachment complaints.
Samantala, sinabi ng National Unity Party na susuporta lamang ito kung may malinaw at matibay na ebidensya laban sa Bise Presidente.
‘Hindi sumagot, umiwas!’
Mistulang motion to dismiss at hindi totoong sagot. Ganito naman tinukoy ni House Justice Committee Chair Gerville Luistro ang isinumiteng paliwanag ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, bawal ang ganitong uri ng pleading sa impeachment proceedings at hindi direktang sinagot ng Bise Presidente ang mga paratang.
“Parang hindi sumagot… questioning the proceeding,” ani Luistro.
Dagdag pa niya, dahil hindi umano sinagot ang mga alegasyon, lumalabas na hindi ito na-rebut o tila tinanggap.
Sumang-ayon si House Good Government Committee Chair Joel Chua, iginiit na “katotohanan” ang hinahanap ng publiko at hindi pag-iwas.
Binanatan din ni Deputy Speaker Paolo Ortega si Duterte sa umano’y pagtatago sa teknikalidad imbes na harapin ang mga akusasyon.
“The Filipino people deserve clear, direct answers—not legal maneuvering,” diin ni Ortega.
(CHRISTIAN DALE/TINA MENDOZA)
44 