‘Wag nating ipakita na duwag tayo sa China!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

MAPAPANSIN, madalas na naman ang ginagawang pambu-bully ng China sa atin kaya ang pagkapit natin sa Mutual Defense Treaty ay isang kasiguruhan ng handang pagtulong ng US kasama na ang pinaigting na EDCA sites, sakaling lumala ang threat e nariyan ang US na siguradong tutulong sa ating depensa kung may mangyaring kaguluhan o bantang pananakop.

Makikita ngayon kung sino ba talaga ang ating kaibigan at kung sino ang nagkukunwaring kaibigan.

Pero, maliwanag naman ang sinabi ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi naman sa ayaw niya sa China, katunayan maraming kasunduan sa impraestruktura, negosyo at iba pa na patuloy na umiiral.

Tanging ang nais ng ating Pangulo, irespeto ng China ang ating teritoryo.

Tandaan na hindi lang totoo ang sinasabing “Might is always right.”

Nais nga ni Marcos, ang anomang problema ay mapag-uusapan naman sa diplomasyang paraan, at ito ay kanya pa ring ipinupursige, sapagkat anomang gusto, mapag-uusapan nang maayos.

Nagtitiwala tayo na lahat ng ginagawa ni Pangulong Marcos ay para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, at tinutupad niya ang sinumpaang tungkulin na itataguyod sa lahat ng panahon ang interes ng ating bayan, ang kabutihan ng Pilipinas.

***

Bakit raw galit na galit ang inyong abang lingkod sa bansang China at mga pekeng Pinoy na rito na naririnahan sa Pinas?

Kung ipagtanggol ko raw ang mga kapanalig (allies) ng ating bansa, partikular ang United States of America (USA), ay wagas at dalisay.

Bakit ko nga ba ipinagtatanggol ang Amerika?

‘Di ba dear readers, kamakailan ay inilathala ko sa pitak na ito na matatag ang relasyon ng Pilipinas at US, lalo na sa larangan ng seguridad at ekonomiya.

Pinaigting ang matatag na relasyon nang bumisita uli si PBBM sa White House kamakailan lamang kung saan tiniyak ni President Donald Trump na ang malakas na puwersa ng navy at militar nito ay nasa likod ng Pilipinas sakaling lumala ang tensyon or threat sa pagitan ng Pinas at China.

Sinigurado ng White House sakali, sakali lang naman na tumaas ang tensyon, at may bantang pananakop o external threat sa ating bansa, ang malakas na puwersa ng navy at militar ng US ay nakahanda at siguradong nasa likod ng Pilipinas.

‘Yung mga kritiko na nagsasabi na ‘inaapuyan’ ng US ang iringan sa West Philippine Sea ay mali, kasi malinaw, ang China na kaibigan daw natin ang nambu-bully at kita naman ito sa itinayong mga military and naval bases nito sa Spratlys na sakop ng ating exclusive economic zone at sovereignty rights natin.

Sobrang dami na ang protesta natin kontra China pero hindi naman nila iniintindi. Kulang sa 700 diplomatic protest na ata ang ating isinampa dahil sa lantarang panggigipit nila sa ating sea patrol vessels at sa ating Pinoy fishermen at ang katwiran nila, ang teritoryo ay “kanila.”

Hindi pa kasali ang pagbabalewala ng China sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, na ibinasura ang pag-angkin sa teritoryo, base sa 9-dash line.

Hindi sila makuha sa maayos na usapan, kaya tama ang ginawa ni PBBM nang pumayag itong dagdagan ang Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, nang sa gayon ay magkasamang mabantayan ng sundalong Amerikano at Pilipino ang ating teritoryo sa WPS.

Pandepensa lamang ang EDCA, at wala itong layunin na “umatake” gaya ng fake news at misinformation ng mga anti-PBMM, e ano kung ‘di naman kumilos si Marcos para humingi ng tulong, sasabihin, siya ay ‘weak’ at ngayong nagpapakita ng tapang, sasabihin naman, isinusubo tayo sa giyera.

E, ano ang gagawin ng ating Pangulo, ‘wag na lang kumibo, manahimik na lang!

***

Uulitin ko, mga masugid kong tagasubaybay, hindi po natin iminumungkahi na magpakita tayo ng tapang laban sa China na hindi natin kayang mapanindigan.

Pero kailangan natin na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay natin sa bansang Tsina.

Kailangan marahil na magpakita tayo ng isang matinding golpe de gulat gaya ng pagtataas ng boses kontra China, ‘di po ba?

‘Wag nating ipakita na duwag at wala tayong bayag kontra China, period!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

12

Related posts

Leave a Comment