Walang kawala sa PNP-PRO5 MAGTIYA HULI SA LOVE TRIANGLE MURDER

“YOU and me against the world” ang senaryo sa magtiyahing magkarelasyon na pinatay ang mister ng ginang upang sila ang magsama ngunit makalipas ang apat na taon ay nadakip ang mga ito ng mga tauhan ni PNP-PRO5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo sa Irosin, Sorsogon.

Arestado ng PNP-PRO5 Regional Special Operation Unit ang mga suspek na sina Edward Grecia y Mate, ng Brgy. San Juan, Irosin, Sorsogon, wanted person sa San Pedro, Laguna, para sa kasong murder, at kasintahan nitong misis ng biktima, na si Evelyn Manuyag y Grecia, 55, tiyahin mismo ni Grecia, residente sa Purok 4A, Brgy. San Julian, Irosin, Sorsogon.

Noong Martes, Hunyo 17, 2021, dakong 6:40 ng hapon, sa Brgy. San Julian, Irosin, Sorsogon, ang mga operatiba ng PRO5 RSOU (lead unit), Biñan City Police Station-PRO4A at Irosin MPS, sa pangunguna ni P/Maj. Ramon Czar D. Solas, ay nagsagawa ng operasyon para matunton ang mga suspek.

Unang nadakip si Grecia sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Francisco Dizon Pano, presiding judge ng RTC Branch 93, 4th Judicial Region, San Pablo City, Laguna, walang inirekomendang piyansa.

Habang nadakip naman si Manuyag sa follow-up operation sa nasabi ring petsa.

Ayon sa ulat ng pulisya, si Grecia ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Luis Manuyag, mister ni Evelyn, sa Jake Subdivision, San Pedro City, Laguna.

Pagkaraan ay nagtago ang magkalaresyon ng apat na taon sa Irosin, Sorsogon kung saan nadakip ang mga ito.

Ang mga suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng Irosin MPS. (JESSE KABEL)

 

192

Related posts

Leave a Comment