ANG mga mangingisda ay isa sa mga batayang sektor ng bansa na walang kaduda-dudang kabilang sa mga napababayaan ng pamahalaan.
Ngunit, wala itong kinatawan sa kasalukuyang mababang kapulungan ng ika-18 Kongreso.
Kaya, walang umiintindi at nagmamalasakit sa sektor ng mga mangingisda sa Kamara del Representantes.
Malaki ang naitutulong ng sektor na ito sa ekonomiya ng bansa.
Ngunit, sadyang binabalewala ng pamahalaan at ng mga mambabatas ang sektor ng mga mangingisda.
Ang masama rito, may ilang opisyal at kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pinagkakaperahan ang mga mangingisda, partikular na ang mga maliliit na uri nila.
Gamit ang Republic Act No. 10654, ‘nakikilan’ ng mga matatakaw sa perang mga opisyal at kawani ng BFAR ang mga mangingisda.
Kaya, dapat amiyendahan ang R.A. 10654.
Ilagay sa bagong panukalang batas na mayroong kaukulang parusa na mabilanggo sa minimum na 20 taon at maksimum na 40 taon ang sinumang opisyal o kawani ng BFAR na mapapatunayang nag-imbento ng nilabag na probisyon sa nasabing batas upang makakikil o kumita sa mga mangingisda.
Iba pang kaso ang lalabagin nilang probisyon sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Tanggalin din sa batas na ito ang MARINA bilang tagapag-isyu ng lisensya upang maging legal ang bangka ng isang ma-ngingisda.
Ipasa sa BFAR ang trabahong ito.
BFAR na rin ang magbibigay ng lisensya upang makapangisda ang mga mangingisda.
Sa ganitong ideya, “one-stop” ang paglilingkod ng BFAR.
Paglilingkod po ha, hindi pangingikil sa mga mangingisda.
Hindi problema kahit walang party-list ang sektor ng mangi-ngisda, sapagkat maraming senador at kongresista na maaaring maghain ng panukalang batas na mag-aamiyenda sa R.A. 10654.
Maraming kongresistang kinatawan ng mga mahihirap at pinabayaang sektor sa bansa na maaaring magbalangkas at maghain ng panukalang batas para sa mga mangingisda.
Maglaan naman kayo ng kahit kaunting malasakit sa sektor ng mga mangingisda.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
