WALANG SAYANG DALA SA ARAW NG MANGGAGAWA

SA hudyat ng unang araw buwan ng Mayo, taunang ipinagdiriwang ang araw ng mga dakilang obrerong nagbibigay sigla sa ekonomiya ng bansa.

Gayunpaman, may agam-agam ang mga obrero — may dahilan pa bang magbunyi sa Araw ng Manggagawa?

Ang totoo, sadyang napakahirap sa mga uring manggagawa ang magdiwang sa gitna ng kahirapang dinaranas bunsod ng mababang pasahod habang patuloy naman ang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng mga produktong petrolyo, bigas, tinapay, manok, isda, karne, delata at iba pa. Pati ang pasahe sa mga pampublikong sasakyan, namumuro.

Sa isang banda, marapat lang markahan ang Mayo 1, marahil hindi para magdiwang kundi gunitain ang kabayanihang patuloy na ipinamamalas ng mga manggagawang Pilipino na sinasamantala at inaabuso ng mga negosyante at mga tiwali sa ­gobyerno.

Sa araw ring ito, higit na angkop na bigyang ­pugay ang mga obrerong nagbuwis ng buhay sa hangaring isulong ang karapatan at kapakanan ng uring manggagawa, kabilang ang frontliners na kinakitaan ng pagiging makabayan sa panahon ng pandemya, mga trabahador sa pabrika, itinatayong imprastraktura, mga nag-oopisina, guro, doktor, nars, tsuper, kasambahay at iba pang nagpapatulo ng pawis para sa kani-kanilang pamilya.

Subalit higit pa sa pagkilala ang kailangan ng mga manggagawa – isang makataong trato ng gobyernong tila bingi sa mga panawagan kontra kontraktuwalisasyon, mababang pasahod, peligro sa trabaho, abusadong amo at iba pang sukdulang dusa sa mga obrero.

Sa pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, mas lalong nabaon ang mga manggagawang hindi na halos mapagkasya ang baryang kinikita – hudyat para magkaisa at sabayang humi­ling ng dagdag-sahod sa gobyerno.

Ang siste, dalawang buwan mula nang madama ang epekto ng giyera sa pagitan ng dalawang nagsasalpukang bansa, ang kanilang hiling sa dagdag sahod – hanggang ngayon nakatengga na tila ba walang pakialam sa kumakalam na sikmura ng mga manggagawa.

Giit ng regional wage boards, pinag-aaralan pa nila. Susmaryosep! Bulag ba kayo? At sadyang nanggagago? Palibhasa, ang sarap ng mga buhay ng mga kulapong tumatanggap ng bonggang sweldong mula sa buwis ng mga nagugutom na Pilipino.

Walang produksyon kung ang obrero’y gutom. Huwag kalimutang ang mga manggagawang malusog, ang gulugod ng ekonomiyang patok!

137

Related posts

Leave a Comment