SIMULA ngayong araw, asahan ang mas masikip na lansangan sa pagpapatupad ng pinakamaluwag na antas ng restriksyong ipinaiiral ng gobyerno sa gitna ng pandemya, kaya naman plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na muling ibalik ang number coding sa mga pangunahing kalsada sa kabisera.
Ang totoo, matagal nang problema ang masikip na trapiko sa Metro Manila bago pa man ilagay sa Alert Level 1 ng pamahalaan ang Metro Manila.
Sa kabila ng kabi-kabilang imprastrakturang pinondohan ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya, nananatili ang suliraning tila hindi makitaan ng pangmatagalang solusyon.
Ang siste, mas tumitindi ang problema sa bawat araw na lumilipas bunsod marahil ng nasa 600 bagong sasakyang nadadagdag kada araw – sa Metro Manila pa lang ‘yan ha.
Hindi rin dapat mawaglit ang mga istorbo sa daan – illegal terminals, mga iresponsableng motorista, mga establisimyentong nasa alanganing pwesto, hayahay na traffic enforcers, at iba pang balakid sa maluwag na daanan para sa mga tao at sasakyan sa lansangan.
Sa pagsasailalim ng NCR sa Alert Level 1, mas lalo pang inaasahan ang bumper-to-bumber na hanay ng mga sasakyan sa pangunahing mga lansangan ng Metro Manila. Indikasyon din marahil ng balik-normal ang buyawyawan – kundi man away sa hanay ng mga pasahero at mga motoristang aburido sa tila ‘di na gumagalaw na daloy ng mga sasakyan.
Pero kung inaakala ng marami na sa Metro Manila lang may ganitong sakit ng ulo, mali ang sapantaha n’yo dahil maging sa expressways, may mga eksena ring ganito.
Sa mga pag-aaral ng mga ekonomista, malaking dagok sa kabuhayan ang problemang kalakip ng masikip na trapiko. Ang mga manggagawa, palaging nahuhuli sa pagpasok sa trabaho – bawas sa sweldo at produksyon ng kumpanyang pinapasukan nito.
Ano nga ba ang solusyon sa problema sa trapiko? Ang pagtatalaga ba ng isang henyo sa larangan ng trapiko? Pwede naman, kaya lang higit na angkop ang pakikiisa ng publiko kabilang ang motoristang siga, establisimyentong abala sa daanan ng pedestrian.
Angkop naman ang dagdag imprastraktura. Ang problema, hindi na kinakaya ng mga motorista ang mataas na singil na kailangan pang bayaran sa tuwing dadaan sa elevated highways na ipinatayo ng mga pribadong kumpanya.
Sa puntong ito, higit na angkop na -unahin ng gobyerno ang mas maraming pampublikong transportasyon tulad ng LRT, MRT, PNR at iba pang abot-kaya ng masa, sa hangaring mabawasan ang siksikan ng mga sasakyan sa ating mga kalsada – lalo pa’t walang puknat ang dagdag presyong ipinapataw ng mga kumpanya ng langis sa kanilang mga produktong petrolyong binebenta.
225
