ISANG fugitive rape suspect ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group sa inilunsad na law enforcement operation sa Brgy. Pasil, EB Magalona City, Negros Occidental nitong Linggo.
Ayon sa ulat na isinumite kay PNP chief, P/General Debold Sinas, ni PNP-AKG director, P/BGen. Jonnel C. Estomo, isang wanted personality na itinuturing na no. 1 most wanted person in city level, ang inaresto dahil sa panggagahasa sa isang 12-anyos na pamangkin nito.
Kinilala ni BGen. Estomo ang suspek na si Romeo Dela Torre Taberos na pakay ng arrest warrant na inisyu ni Hon. Walter G. Zorilla, presiding judge ng RTC Branch 55, 6th Judicial Region, Himamaylan City, Negros Occidental.
Sa impormasyong ibinahagi ni AKG spokesman, P/Lt. Col. Rannie Lumactod, nagtago ang suspek matapos na maghain ng reklamo ang pamilya ng kanyang pamangkin na paulit-ulit nitong ginahasa simula noong dose anyos pa lamang ang biktima, sa bayan ng Himamaylan.
Subalit matapos ang apat na taong pagtatago, sa matiyagang intelligence gathering ng PNP-AKG laban sa wanted persons, ay natunton ng mga operatiba ng AKG Special Operation Unit, Himamaylan MPS at EB Magalona MPS, ang pinagtataguan ng suspek sa Brgy. Pasil, EB Magalona, Negros Occidental. (JESSE KABEL)
289
