“MAKE my enemies great so when defeated I could say it was worth the fight,” ani PNP-Police Regional Office 5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo makaraang mapaslang ang isang aktibong kasapi ng komunistang New People’s Army sa sagupaan sa Masbate.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/BGen. Estomo, bandang alas-3:30 ng madaling araw habang nagsasagawa ng routing security patrol ang mga pulis nang madiskubre nila ang pinagtataguan ng mga rebelde sa ilalim ng Ka Daddy at Ka Manong ng Larangan 2, Kilusang Partido 4 sa Purok 3, Barangay Dapdap na nagresulta sa ilang minutong engkwentro.
Ayon kay P/Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, base sa ulat ng Masbate Police Provincial Office, habang ang mga operatiba ay nagsasagawa ang intelligence driven internal security operations, nang paulanan sila ng mga putok ng mga teroristang miyembro ng NPA.
Nagtagal ng limang minuto ang sagupaan na ikinamatay ng isang rebelde habang walang napatay o nasugatan sa panig ng pulisya.
Samantala, winakasan ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang anim na taong pagtatago ng isang rape suspect nang masakote sa inilunsad na law enforcement operation sa Brgy. Unang Sigaw, Balintawak, Quezon City.
Ayon kay P/Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, kinilala ang suspek na si Renato Genavia Gelilio alyas “Ikoy,” 55-anyos, itinuturing na number 1 municipal most wanted person ng Irosin MPS, residente ng Sitio Omagom, Brgy. Gulang-Gulang, Irosin, Sorsogon.
Nabatid, isang dating kagawad ng Barangay Gulang-gulang ang suspek na inireklamo dahil sa panghahalay sa isang babaeng mentally challenged.
Ang suspek ay inaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng Irosin MPS at TOG5, TOWSOL, Philippine Air Force sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Adolfo G. Fajardo ng RTC BR 55, Irosin, Sorsogon noong Hunyo 22, 2015.
Kasalukuyang nasa himpilan na ng Irosin MPS ang suspek upang sumailalim sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, pinuri ni P/BGen. Estomo ang ipinakitang sigasig ng mga nanguna sa manhunt operation upang maihatid ang hustisya sa pamilya ng biktima.
“Ang inyong pagtakbo at pagtatago ay hindi kailanman magiging rason upang mabura ang pagkakasalang inyong nagawa. Hindi hihinto ang PNP Bicol na kayo ay tugisin at iharap sa korte upang tanggapin ang kaparusahang nararapat sa inyo. Nais ko ring pasalamatan ang ating mga kababayan saan man sila naroroon sa kanilang walang sawang pagbibigay sa atin ng impormasyon na mas pinadali sa pamamagitan ng ating E-Sumbong. Kaya naman binabalaan ko ang iba pang mga wanted, wala na kayong kawala sa kamay ng batas,” dagdag pa ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
139
