BUMAGSAK sa mga kamay ng mga tauhan ni PNP-AKG chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang suspek sa panggagahasa sa ikinasang law enforcement operation sa El Salvador City, Misamis Oriental.
NAGWAKAS ang tatlong taong pagtatago ng isang wanted personality na may kasong panggagahasa nang madakip ito ng mga tauhan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, pinuno ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group sa El Salvador City, Misamis Oriental.
Kinilala ni PNP-AKG spokesman, P/Major Ronaldo Lumactod ang nadakip na suspek na si Welmor Roxas Sutin ng Barangay Poblacion, El Salvador City.
Base sa record na ibinahagi ni Maj. Lumactod sinampahan ng kasong rape ang suspek bunsod ng umano’y panghahalay nito sa isang dalaga noong Hunyo 2017 sa Tibanga, Iligan City.
At nang malaman ng suspek na may nakahain nang criminal case laban sa kanya ay agad itong nagtago.
Walang piyansang inerekomenda para sa suspek si Hon. Anisah B. Amanodin-Umpa, Presiding Judge ng RTC Branch 2, Family Court ng Lanao Del Norte, 10th Judicial Region, Iligan City.
Bandang alas-2:30 ng hapon noong Miyerkoles, sinalakay ng PNP-AKG Mindanao Field Unit, na pinamumunuan ng P/Lt. Col. Clarence C. Gomeyac, kasama ang mga operatiba ng MFU-Iligan Satellite Office, Iligan City Police Office-ICPS4, CIDMB-ICPO, RIU10 at 2ND PMFC Misamis Oriental PPO, ang pinagtataguan ni Sutin. (JESSE KABEL)
