WARDEN INAKUSAHANG GINUGUTOM AT NAGPAPAHIRAP NG PRESO

NANGANGAMBA ngayon sa kanyang kaligtasan sa loob ng Metro Manila District Jail si Dr. Chaio Tiao Yumol dahil sa umano’y ginagawang panggigipit at pagpapahirap sa kanya ng Warden na si Jail Senior Insp. Jose Maria Sabeniano.

Batay sa nakalap na sulat mula kay Yumol, nakasaad na sumulat na siya kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.; Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Office of the Ombudsman at Commission on Human Rights hinggil sa panghaharass umano ni Sabeniano.

Giit ni Yumol, wala siyang ginagawang paglabag sa loob ng kulungan at sa halip ay naggagamot siya ng mga may sakit na preso at empleyado.

Hindi na rin umano siya dinadalhan ng pagkain dahil ipinagbabawal ni Sabeniano na lapitan siya ng sinuman. Maging ang gamot na para sa kanyang depresyon ay hindi na naiinom.
Ayon sa sulat ni Yumol, tinangka pa ni Sabeniano na ipalipat siya sa MMDJ Annex 4 nang sabihin nito na nanganganib ang seguridad niya at mga personnel ng BJMP.

Subalit ibinasura ni Quezon City RTC Acting Presiding Judge Ma. Cristina Rosario-Osoteo
ang hiling ni Sabeniano sa pagsasabing itinayo ang jail para sa mga preso na tulad ni Yumol at hindi na kailangan pang ilipat ng ibang kulungan.

Ipinagmamalaki umano ni Sabeniano na ang kanyang mga ginawa ay may ‘basbas’ ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Chief Supt. Ruel Rivera.

Ngunit, ayon kay Rivera, kailanman ay hindi niya inutusan si Sabeniano na maltratuhin o gipitin ang mga preso. Aniya, bagamat nagkasala sila sa batas kailangan pa ring ipatupad ang human rights at ang korte lamang ang makapagdedesisyon sa kanilang kaso.

Paiimbestigahan na rin ni Rivera ang reklamo ni Yumol. Si Yumol ay nahaharap sa kasong pagpatay kay dating Lamitan Mayor Rose Furigay at dalawang iba sa Ateneo de Manila University noong Hulyo 2022. (JT)

395

Related posts

Leave a Comment