KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
SA NAKARAANG kolum, nag-iwan ako ng tanong: Pagkatapos ng malaking kilos protesta laban sa korupsyon…ano na ang kasunod nating hakbang?
Ipagpapatuloy na lang ang protesta sa Facebook at dito tayo mag-aalburoto at magmumura na wan-to-sawa? Magbabantay na lang muli tayo sa mga susunod na kabanata sa imbestigasyon ng mga anomalya sa flood control projects ng DPWH? Papalakpak kapag may ilang sinibak sa puwesto, kinasuhan at pansamantalang ikinulong? Ipauubaya na lang natin sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na binuo ni PBBM, upang magkaroon ng simula ang pagwawakas ng dekwatan sa gobyerno?
Matapos kong subaybayan ang kaganapan sa Luneta, Mendiola, at EDSA noong Sept. 21 sa pamamagitan ng live coverage ng mainstream media, panonood ng photos at videos sa social media (hindi ako nakasama sa martsa at protesta dahil malayo ang aking lugar), lalo akong naghahanap ngayon ng isasagot sa tanong ko. At abstrakto pa rin ang mga nasa isipan ko.
Iisa ang temang isinisigaw ng mga raliyista: “Wakasan ang korupsyon!” “Ikulong ang mga magnanakaw!” “Importante na may managot, hindi pwedeng wala!” “Linisin ang gobyerno!” Klaro ang isyu sa likod ng mga galit na raliyista – bigyang wakas ang patuloy at lalong lumalawak na korapsyon sa gobyerno.
Sa paanong paraan? Dito nagsasalimbayan ang mga sagot.
Mamamatay nang lahat ang mga korap sa pamahalaan kagaya ng birthday wish ng idolo kong si Kara David! Pero malabo namang mangyari ito sa totoo. Puwede siguro kung sabay-sabay silang tatamaan ng kidlat. ‘Yung sigaw na parusang kamatayan sa mga dorobo ay malabo ring mangyari sa ngayon dahil burado na ang “death penalty” sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Kasuhan, ikulong ang mga manderekwat at ibalik sa kaban ng taong-bayan ang kanilang mga ninakaw! Pwede itong maganap! ‘Yun nga lang, sa sistema ng ating hustisya, malamang ay bibilang pa ng mga taon bago ito magkatotoo. At depende pa rin ito…KUNG seseryosohin ni PBBM ang giyerang kanyang sinimulan, gayung ang isinasagawang imbestigasyon ngayon ay puwedeng makarating sa pintuan ng Malakanyang.
Tanggapin na natin ang katotohanan na may malaking depekto ang hustisya sa ating bansa lalo’t higit kung malalaking tao ang kasangkot. At sa isyu ng korupsyon, ang binabangga ng taong-bayan ay isang moog ng maruming sistema sa gobyerno na ang mga nasa likod ay matatagpuan sa lahat ng antas ng burukrasya – mula sa barangay at Sangguniang Kabataan, lokal na pamahalaan, Kongreso, Senado, at lahat ng ahensya ng gobyerno hanggang Malakanyang.
Hindi pa isinisilang ang mga Pilipinong buhay ngayon, ay may mga korap na sa ating gobyerno na nandedekwat sa salapi ng taong-bayan. Pero muli ko itong itatanong – sino ba ang dapat sisihin? Ang nakalulungkot na sagot – TAYO rin. Hindi ba? Sino ba ang bumoto at naglagay sa puwesto sa mga korap na opisyales ng pamahalaan? Tuwang-tuwa pa tayo nang makatanggap tayo ng bigas, konting groceries at P500, P1,000 sa kandidatong politiko noong panahon ng kampanyahan. “Ang bait niya,” ang sambit pa natin.
Ngunit saan at paano siya makababawi sa mga ginastos niyang maraming pera para manalo at makaupo sa posisyon? Isa lang ang tiyak na sagot – mandedekwat sa pondo ng gobyerno kasabwat ang iba pang mga mandurugas sa burukrasya at pribadong sektor. Ito ang paulit-ulit na sirkulo.
Hindi ba ninyo napapansin? Bakit hindi nagpapahayag ng pagkondena sa korupsyon ang mga ibinoto natin na nakaupo ngayon? Bakit dedma lang sila maliban kay Pasig City Mayor Vico Sotto na lantaran ang ginagawa niyang pagkondena? Nakataas kasi ang noo niya sa katapatan na kanyang panunungkulan na pinatotohanan naman ng kanyang mga kababayan at nakikita rin sa kanyang accomplishments na isang bukas na aklat sa city hall.
Merong mangilan-ngilan sa mga nanunungkulan ngayon sa lokal at nasyunal na antas ng pamahalaan ang bumatikos din sa korupsyon. Mayroon talagang matapat pero ang marami ay korap din. Sabi nga, ‘wag lang hindi makakuda. Pwe! Tumahimik na lang kayo!
Seryoso na ito. Sana, matututo na tayong maghalal ng mga kandidatong tunay na matapat ang hangaring maglingkod at karapat-dapat na manungkulan sa pamahalaan. At masugid natin silang suportahan laban sa kontra-puwersa ng pagbabago mula sa mga manderekwat. Isulong natin ang pagkakaroon ng mga bagong batas para sa kapakinabangan ng mamamayan, amyendahan at ibasura naman ang mga batas na sinasangkalan ng mga korap. Mahigpit nating tutukan at matyagan ang mga proyekto at programa ng pamahalaan upang hadlangan ang anomang pagtatangkang pagnanakaw. Sama-sama at aktibo rin tayong tumutok sa paggawa ng taunang badyet – mula sa lokal na antas hanggang sa nasyunal upang agad na masuri at alisin ang mga “insertions” o isiningit na alokasyon upang dekwatin ng mga korap.
Kapag sama-sama nating napagtagumpayan ang mga pangunahing hakbang na ito…baka sakaling magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating bansa. Masisimulan natin ang pagbabago sa ating mga sarili. Subukan natin sa susunod na eleksyon. Sasamahan at gagabayan tayo ng Panginoong Diyos.
##########
Balik tayo sa protesta noong Linggo. Marami ang lumahok mula sa iba’t ibang sektor at grupo. Sa Luneta at Mendiola ay nangibabaw ang hanay ng mga militante at sa EDSA naman ay nagtipon-tipon ang civil society groups, relihiyoso at mga maituturing na kaya lang nagpunta at nakilahok ay upang ilabas ang galit sa kanilang dibdib sa garapalang pagnanakaw ng mga tauhan at opisyales ng gobyerno.
Ang nakalulungkot lang, mas nangibabaw ang kaguluhang nilikha ng ilang raliyista sa bahagi ng Mendiola – kung demonstrador nga ba ang mga ito o binayaran upang lumikha ng gulo. Batay sa ulat ng pulisya, ang marami sa mga nadakip na mga nanggulo, nagwasak ng mga pribadong ari-arian at pag-aari ng estado (traffic lights, steel road barriers, etc.) at nakipagsagupaan sa tropa ng pulisya – ay mga kabataan.
Mga murang isipan na sumayaw sa kumpas ng kung sinomang promotor na ang tanging layunin ay lumikha ng kaguluhan sa gitna ng isang lehitimong pagkilos laban sa nakasusukang sistema sa ating gobyerno.
Sinasalamin ng naganap na gulo ang banta na ilihis ang pokus ng mga nag-aalsang mamamayan. May gumagamit sa isyu ng korupsyon upang isulong ang kanilang maka-sariling interes at mas maruming political agenda. Pangisi-ngisi lang sila ngayon sa isang tabi.
Watch out Juan de la Cruz! Ipagpatuloy ang pakikibaka!
