WFH MUNA ULIT

MULING lumutang ang mga panawagan para sa pagbabalik ng work-from-home set-up para sa mga empleyado ng mga pribadong tanggapan sa dalawang dahilan – para makatipid at makaiwas sa panibagong banta ng pandemya.

Sa gitna ng dinaranas na krisis, normal lang naman ang maghigpit ng sinturon lalo pa’t aminado ang National Economic and Development Authority (NEDA) na sadyang mahirap pagkasyahin ang kakarampot na kita ng mga manggagawa, sa kabila pa ng mga umentong itinakda ng regional wage boards sa iba’t ibang panig ng bansa.

May mga bentaheng kalakip sa ilalim ng work-from-home set-up kabilang ang menos sa pamasahe, iwas trapik, at tipid sa petrolyong kinokonsumo ng mga gumagamit ng mga pribadong sasakyan.

Higit pa sa aspeto ng ekonomiya, mas ligtas kontra kontaminasyon ng nakamamatay na COVID-19 ang mga empleyadong nasa ilalim ng work-from-home set-up.

Ayon sa mga dalubhasa sa larangan ng pagtataya gamit ang matematika, namumuro na naman ang paglaganap ng pesteng COVID-19 sa Metro Manila. Sa datos ng Octa Research Group, inaasahang dodoble sa papasok na linggo ang bilang ng mga positibo – mula sa 250, magiging 500 kada araw ang tala ng mga bagong kaso.

Anila, malalagay na naman sa “moderate risk” ang Metro Manila bunsod ng paglobo ng mga kumpirmadong kaso sa mga ­pinakamalaking lungsod ng naturang rehiyon, kabilang ang Quezon City, Maynila at Makati, na pawang naghahanda na ng kani-kanilang programang pantugon sakaling dumating ang pinangangambahang COVID surge.

Ang siste, marami sa mga empleyado sa mga pribadong kumpanya, kababalik pa lang sa kanilang on-site work arrangement.

Kung pagbabatayan ang pulso ng mga manggagawa, mas marami ang pabor sa work-from-home arrangement. Gayunpaman, naniniwala silang may ilang usaping angkop na isaayos tulad ng mga nawawalang benepisyo, overtime pay, holiday pay at ang gastos sa internet.

Dapat rin marahil na pukawin ang matamlay na pagbabakuna kontra COVID-19 at ang pagpapatupad ng minimum public health and safety protocols para sa kaligtasan at proteksyon ng mamamayan.

Sa hirap na dinaranas ng marami, bawal muna ang magkasakit.

151

Related posts

Leave a Comment