NANINIWALA ang Malacañang na makatutulong ang work-from-home setup sa pribadong sektor upang mabawasan ang fuel consumption at maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nasa pribadong kumpanya ang desisyon kung ipatutupad ang ganitong setup.
“Kung iyan ang magiging panukala ng mga private business companies, makakatulong na malaki ‘yan. Pero siyempre hindi naman didiktahan ng Pangulo ang mga pribadong kumpanya,” ani Castro.
Binigyang-diin niya na malaya ang mga kumpanya na pumili ng work arrangement na makabubuti sa kanilang operasyon at manggagawa.
Samantala, sinabi rin ni Castro na pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang panukala ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magbigay ng P5,000 buwanang wage subsidy sa mahigit limang milyong minimum wage earners.
Aniya, “no option is off the table,” ngunit kailangang balansehin ang mga prayoridad at unahin ang mga sektor na pinakaapektado ng mataas na presyo ng petrolyo.
Tiniyak din ng Malacañang na handa ang gobyerno na tumulong sa loob ng limitasyon ng pambansang badyet.
Kabilang sa mga kasalukuyang hakbang ang 50% discount sa train fares, libreng bus rides, at subsidiya para sa public utility vehicles.
Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110, na nagpatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang suportahan ang mga apektadong sektor at tiyakin ang katatagan ng suplay ng enerhiya.
(CHRISTIAN DALE)
27 