BINUHAY ni Senador Imee Marcos ang kanyang resolusyon na nananawagang gumawa ng batas na magbibigay-proteksyon sa indigenous peoples (IPs) kontra sa mga paglapastangan sa kanilang minanang kultura.
Ito’y sa gitna ng kontrobersya sa pagitan ng kilala sa buong mundo na Kalinga mambabatok (tattooist) na si Whang-Od at ang popular na vlogger na si Nas Daily.
Ang kontratang nilagdaan umano ng 104-year-old na si Whang-Od para magturo ng “tattoo masterclass” online ang nag-udyok sa kanyang apo na tawaging “scam” si Nas Daily, na nagsabing nagpo-promote lamang siya ng naglalaho nang tradisyon at ibabahagi naman ang kikitain mula sa Php750 bayad sa bawat subscriber.
Binigyang diin ni Marcos, chairman ng committee on cultural communities ang kahalagahan ng pagiging sensitibo sa kultura ng mga IPs lalo na kung sangkot dito ang pansariling promosyon at kung ito’y pang-komersyal na pagkakakitaan.
“Ang problema, wala tayong legal na depinisyon kung ano ang bumubuo sa cultural misappropriation o paglapastangan sa minanang kultura ng IPs. Hangga’t hindi natin ito ginagawa, mananatiling bantad ang mga katutubo o IPs sa mga pang-aabuso,” giit ni Marcos. (ESTONG REYES)
395 