PUNA ni JOEL O. AMONGO
PAKIRAMDAM siguro nitong si Willie Gonzales ay nasa pelikula siya ng “Wild, Wild West” kaya ang pakiramdam niya, siya lang ang batas sa Pilipinas.
Nag-viral ang kuhang video ng isang concerned citizen sa insidente ng pananampal at pagkasa ng baril ni Gonzales sa walang kalaban-laban na siklista sa Welcome Rotonda sa Quezon City kamakailan.
Imbes na makitaan ng pagpapakumbaba itong si Gonzales ay sinisisi pa nito ang mga vlogger. Kaya lalong nakaladkad ang kanyang pangalan dahil sa pagbatikos na kanyang ginawa sa netizens.
Napag-alaman na retiradong pulis pala itong si Willie Gonzales na kung umasta, akala mo siya si Will Smith sa pelikulang “Wild, Wild West.”
Sa viral video na ating napanood sa pangyayari ay gigil na gigil na bumaba mula sa kanyang kotse itong si Gonzales sabay sampal at kasa ng kanyang baril sa kawawang siklista.
Paano kung walang nakakuha ng video sa pangyayari? Kawawa si manong siklista, baka pinaglalamayan na siya ngayon.
“Hindi nila alam ang puno’t dulo, marami kaagad magco-comment nakitang nagkasa, ‘di naman nila nakita ‘yung tunay na pangyayari, ‘yung umpisa,” ani Gonzales. Lokohin mo, lelong mo!
‘Yan ang sinabi ni Gonzales sa isinagawang press conference kasama si Quezon City Police District (QCPD) Director General Nicolas Torre III.
Ganoon pala, dapat ipinakita mo ang kabuuang video, kung mayroon ka, ipakita mo!
“Yun lang ‘yung pakiusap ko lang sa mga vlogger ngayon, kasi kawawa naman po ‘yung mga anak ko… mga kapamilya ko. Parang ang sama-sama kong tao,” banggit pa ni Gonzales.
Sana bago ka gumawa ng kalokohan ay inisip mo muna ang pamilya mo na maaapektuhan ng kaangasan mo.
Kung ako ang tatanungin ay dapat makulong itong si Gonzales, at sana kalkalin din ng mga awtoridad ang pagkatao nito, baka siga-siga pa ito sa kanilang lugar.
Kasunod ng insidente, nitong nakaraang Lunes ay agad na binawi ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) ang License to Own and Possess Firearm (LTOPF), maging ang firearm registration at permit to carry ni Gonzales.
Sa pahayag ng PNP, ipinag-utos ng Firearms and Explosives Office ang pagbawi sa lisensya at permit ni Gonzales kasunod ng insidenteng kinasangkutan nito sa Welcome Rotonda.
Pinaalalahanan naman ang lahat ng may lisensyadong baril, na maging responsableng gun owners sa lahat ng oras.
Ang pagmamay-ari ng baril ay hindi karapatan kundi isang pribilehiyo lamang, kaya kayong nagmamay-ari ng lisensyadong baril ay ‘wag n’yo abusuhin ang ibinigay sa inyong pribilehiyo ng gobyerno.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
244