WIN: AYUDA SA MAG-AARAL SA ILALIM NG BAYANIHAN 2 IPAMAHAGI NA

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na pabilisin ang paglalabas at pamamahagi ng ayudang inilaan sa extended Bayanihan to Recover As One Act o

Bayanihan 2 (Republic Act 11494) sa kuwalipikadong mag-aaral ng basic education na humaharap sa problemang pinansyal dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ay matapos ipamahagi ng Commission on Higher Education (CHED) ang ayudang nagkakahalaga ng limang libong piso (P5,000) sa halos limampu’t limang libong (54,761) mag-aaral sa pribadong kolehiyo na may hindi pa nababayarang tuition at miscellaneous fees.

Ang ayudang ito ay ipinamahagi sa ilalim ng Bayanihan 2 for Higher Education Tulong Program (B2HELP) na may budget na tatlong daang (300) milyon.

Naglaan ang Bayanihan 2 ng ayuda sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school, at kolehiyo na nangangailangan ng tulong pinansyal dahil sa pinsalang dinulot ng pandemya sa mga trabaho at ekonomiya.

Ang mga kwalipikadong mag-aaral na ito ay iyong mga hindi bahagi ng Education Service Contracting (ESC) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na “Listahan”, Senior High School Voucher Program (SHS VP), at ang Tertiary Education Subsidy (TES). Sa ilalim ng Bayanihan 2, ang matatanggap na ayuda ay maaaring gamitin sa hindi pa nababayarang tuition para sa school year (SY) 2019-2020 o para sa pambayad ng tuition sa SY 2020-2021.

Ayon sa website ng Department of Budget and Management (DBM), aprubado na noong Disyembre 18, 2020 ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa tatlong daang (300) milyong pisong budget para sa mga ayudang ito.

“Maraming mga mag-aaral ang matagal nang naghihintay ng tulong pinansyal upang maibsan ang kanilang pangamba pagdating sa mga pangangailangan sa edukasyon. Dapat nating bigyan ng prayoridad ang mabilis na pagpapamahagi ng ayudang ito upang maiparating na natin ang tulong na matagal na nilang hinihintay,” ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Noong ika-29 ng Disyembre ng nakaraang taon pinirmahan ng pangulo ang Republic Act No. 11519 na nagpapalawig ng validity ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2. (ESTONG REYES)

 

117

Related posts

Leave a Comment