NANAWAGAN si Senador Joel Villanueva sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikonsidera ang itinakdang window time sa pagpasok ng provincial buses sa Metro Manila.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na dapat alalahanin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga commuter at mga provincial bus operators and drivers sa implementasyon ng bagong provincial bus scheme.
“Nananawagan po tayo sa DOTr, LTFRB, at MMDA na i-reconsider ang pag-implement ng bagong schedule para sa provincial buses na gagawing mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga,” aniya.
“Bigyan po natin ng mga maayos at abot-kayang alternatibo ang mga provincial commuters para makabiyahe habang business hours sa Metro Manila,” ayon kay Villanueva.
Sinabi ni Villanueva na karampatang panahon din po ang kailangan ng commuters bago i-implement ang bagong scheme para makapag-adjust sila sa bagong schedule ng provincial busses.
“Bilang tubong Bulacan, ramdam po natin ang magiging pahirap nito para sa ordinaryong taga-probinsya na madalas bumibiyahe patungong Metro Manila,” aniya.
“Sana po ay napag-aralang mabuti ng ating mga ahensya ang epekto ng desisyong ito sa mga commuter na nakasalalay ang kanilang kabuhayan sa araw-araw na biyahe ng provincial buses,” dagdag ng senador.
Giit pa ni Villanueva na nakasalalay dito ang kita ng provincial bus operators at drivers nito, dahil nakabase sa dami ng kanilang pasahero ang kanilang kita.
“Alalahanin po natin na bumabangon pa lang po tayo mula sa mga pandemic lockdown, at maraming kabuhayan ang nakasalalay sa provincial bus routes. Nakataya po sa desisyong ito ang mga ekonomiya ng Metro Manila at mga karatig probinsya,” aniya.
“Gaya po ng ating panawagan noon sa MMDA na pag-aralang mabuti ang economic impact ng panukalang panibagong number coding scheme, isipin po natin kung para saan pa ang maluwag na trapiko kung wala namang masakyan ang mga tao,” patapos niya. (ESTONG REYES)
