Worker pinasahod ng higit isang libong barya FACTORY SA VALENZUELA SINUSPINDE

SINUSPINDE ng Valenzuela City ang operasyon ng Nexgreen Enterprise matapos umamin sa unfair labor practices nang ipatawag ni Mayor Rex Gatchalian ang pamunuan ng kumpanya upang pag-usapan ang reklamo ng kanilang dating empleyado na nag-viral sa social media makaraang pasahurin ng P1,056 halaga ng mga baryang lima at sampung sentimo.

Ani Gatchalian, dagling ipadadala ang notice of suspension sa Nexgreen at patuloy na makikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon kay Russel Mañosa, ibinigay ng Nexgreen Enterprise ang dalawang araw niyang sweldo na puro tig-5 at 10 sentimong barya na nagkakahalaga ng P1,056.

Sinabi ni Gatchalian, may circular ang Bangko Sentral ng Pilipinas na nakasaad na kapag sentimos ang ibabayad ay hanggang P100 lang ang pinakamalaking pwedeng abutin at kapag P1 naman ay hanggang 1,000 lamang ang limitasyon.

Wala rin umanong coverage ang mga empleyado sa Social Security System, Pag-Ibig at PhilHealth ngunit ayon sa kumpanya ay covered naman ang kanilang empleyado ngunit hindi umano nila nadala ang patunay na mga dokumento,

Nang aminin ng pamunuan ng Nexgreen ang kanilang mga pagkukulang ay tila umusok ang bumbunan ni Gatchalian dahil taliwas umano ito sa unang pahayag ng kumpanya.

Ayon sa alkalde, posibleng hindi lamang si Mañosa ang dumanas ng pang-aapi sa Nexgreen, na pinatotohanan ni Mañosa na naging dahilan din umano ng pag-alis ng ibang mga empleyado at sinusugan pa ng isang dating empleyado na kasama ni Mañosa na nagsabing bigla na lamang siyang sinisante.

Humingi ng dispensa ang kumpanya sa kanilang mga pagkakamali na tinanggap naman ni Mañosa ngunit sinabing ‘wag sanang maapi ang mga empleyado.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang mga manggagawa ang bumubuhay sa ekonomiya ng Valenzuela.

“There is a pattern of not treating your workers properly. Tingin mo yata sa kanila singko sentimos lang e. Mga tao ‘yan, may pamilya yan,” ani Gatchalian. (ALAIN AJERO)

231

Related posts

Leave a Comment