YAMOT NA YAMOT NA SA POEA AT STAFFHOUSE

SUNOD-SUNOD na sulat sa pamamagitan ng email ang aking natanggap mula sa grupo ng mga manggagawa ng Mahara Human Resources na nasa Jeddah, Saudi Arabia.

Puno ng sama ng loob ang kanilang liham at tila baga tuluyan ng nagtampo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil sa napabalitang pagtanggal ng suspension order laban sa kanilang ahensya sa Pilipinas na Staffhouse International Resource Corporation.

Nuong aking bineripika sa website ng POEA ay lumabas na nanatili pa rin na suspended ang document processing ng Staffhouse International Resource Corporation.

Gayunpaman, ay bibigyan ko muna ng puwang ang ilang bahagi ng kanilang liham at baka sakaling sa pamamagitan ng AKO OFW ay maibsan ang kanilang sama ng loob sa POEA at tuluyan na silang matulungan sa kanilang hinaing.

“Sumulat po kami dahil sa sobrang sama po ng loob namin sa inyo sa nalaman namin na Tinanggal nyo pala ang Suspension of Documents Processing ng Staffhouse habang patuloy kaming umaasa na kami ay maaksyonan na mapauwi. Araw araw po kaming nagpapadala ng sulat at maging ang aming pamilya ay patuloy sa pakikipag ugnayan sa inyo. Subalit hangang ngayon kami ay hndi pa makasama sa Charter flight at hndi pa nabigyan ng exit.

Kami po ay trabahador ng Maharah Human Resources dito sa Jeddah Saudi Arabia na kasalukuyang nilipat sa Riyadh. Nais po naming humingi ng tulong sa inyong tanggapan upang makauwi ng Pilipinas.

Dahil sa mga sumusunod: Una sa lahat ay ilegal ang pagpapaalis sa amin ng aming ahensya sa Pilipinas dahil sinabi nila na ang ­aming Employer ay Takween na syang nag talaga ng interview sa amin at sinabing ito ay isang malaking company na maraming branches ng Restaurant, Ngunit pag dating namin dito ay Maharah Human Resources pala ang aming Employer at ang takween pala ay hindi isang Restaurant kundi isa din palang agency.

Simula pa lang ay lagi nang delay ang sueldo at allowance hanggang dumating ang Corona Virus doon ay lubusang wala kaming nakuhang allowance at salary pero tuloy ang aming trabaho hanggang sa bumaba ang sales ng restaurant dahil sa lockdown ay nag decide sila na bawasan ang tao dahil doon ay ibinalik kami sa agency at doon nag stay sa accomodation at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin ang aming allowance man lang , 7months in total.

Wala kaming maayos na accomodation at hindi kami komportable dahil luma at nagamit na ang mga gamit na ibinigay sa amin pang personal man o pang kalahatan tulad ng kumot , kama, unan, at maging ang washing machine ay sira kaya manu-mano ang pag lalaba namin. Bukod doon ay pinamamahayan din ng surot ang aming kuarto kaya d makatulog ng maayos at tadtad ng pantal at sugat ang ilan sa amin.

Nuong Aug.13,2020,kami po ay pinabiyahe ng maharah agency mulas sa Jeddah papunta sa Riyadh sapagkat kami daw po ay kakausapin upang maisaayos ang ang naging complaint sa kanila. Pinapabalik nila kami sa trabaho subalit ayaw na po namin dahil sobra na po ang paghihirap namin dito. Wala pa rin kaming assurance na nakukuha galing sa kanila. Kami po ay mga nagkakasakit na dito pero ni asikasuhin ay hindi po nila magawa. Wala kaming pera para makabili ng gamot. Mag- 7 buwan na po at sana namn matulungan ninyo kami na makauwi na sa Pilipinas. Maawa na po kayo”.

168

Related posts

Leave a Comment