YAP: CONSIGNEE NG NASABAT NA AGRI PRODUCTS KASUHAN

HINIKAYAT ni Benguet Congressman Eric Yap ang Bureau of Customs (BOC) na kasuhan ang consignees ng mga container shipment na nasabat ng BOC – Port of Subic at Department of Agriculture (DA) kamakailan na nadiskubreng naglalaman ng mga hinihinalang puslit na agricultural products.

“P20.193 Million – ito ang halaga ng nasabat na agri products na muntik na makalabas ng port at mabenta sa ating local markets. Higit rin sa halagang ito ang muntik na estimated loss ng ating farmers na nagpakahirap na itanim, anihin, at dalhin ang mga agri produce sa ating mga hapag kainan,” ayon kay Yap, sa isang pahayag.

“We are urging the BOC to file a legal case against those involved sa pagpasok ng container shipments na ito sa bansa. Bigyan natin ng sample ang agri smugglers, ipakita na may ngipin ang batas natin. More than one million (pesos) ang halaga nito, dapat no bail. Pangalanan lahat, kasuhan, at ipakulong,” dagdag pa ng mambabatas.

Iginiit ni Yap na hindi maaaring puro huli lang ang kanilang nababalitaan ngunit wala namang naipapakulong na nagkasala.

Dismayado rin si Yap na wala ring smugglers ang nako-convict, kahit patuloy at harap-harapan na silang illegal na nagpapasok ng mga puslit na agricultural products sa bansa.

“They’re not even trying to conceal these shipments anymore. Why? Wala naman kasing napapakulong,” ayon pa kay Yap.

Dagdag pa ng solon, “Hihintayin natin ang kasong ipa-file ng BOC laban sa Veneta Consumer Goods Trading at Lalavy Aggregates Trading na consignees sa shipments na ito. Non-bailable ang pag-smuggle ng above P1M. ‘Pag hindi pa nakulong ang consignees, brokers, at iba pang involved dito, paano na? Mag-file uli tayo ng House Resolution na mag-iinquire na bakit wala pa rin napapakulong kahit may ebidensya naman. Gusto natin malaman paano masisiguro na mapapanagot ang mga smugglers na ito.”

Binigyang-diin din ni Yap na, “Pinapatay ng agricultural smuggling ang kabuhayan ng ating mga farmers. Niloloko nila ang sambayanang Pilipino, tumatakas sila sa tamang proseso. Lahat tayo nagbabayad ng buwis tapos itong mga smugglers na ito, di na nga nagbabayad, kumita na sila, hindi pa sila napapakulong. Bigyang tuldok na ang problemang ito.”

Tiniyak din ng mambabatas na idudulog niya ang naturang isyu sa nalalapit na Technical Working Group (TWG) meeting sa House committee on agriculture and food kaugnay nang gagawin nilang pagtalakay pa sa House Bill No. 319 (Increasing Penalties on Vegetable Smuggling) at House Resolution No. 108 (Investigating the Continued Smuggling of Agri Products).

“Hindi tayo titigil hangga’t walang napapanagot,” pagtiyak ng mambabatas.

209

Related posts

Leave a Comment