ABS-CBN NAPURUHAN SA ‘PANDARAYA’ SA TAX

MISTULANG napuruhan ang ABS-CBN sa usapin ng hindi pagbabayad nang tamang buwis nang isa ito sa bigyang-diin sa summation ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta.

Sa summation ni Marcoleta sa resulta ng joint hearing ng House committee on legislative franchises at committee on good government and public accountability, inakusahan nito ang ABS-CBN na halos ayaw magbayad ng buwis gayung ipinangangalandakan ng mga ito na sila ay ‘in the service of the Filipino people”.

Ayon sa mambabatas, imbes na magbayad ang ABS-CBN ng P2.5 bilyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2014 ay nakipagkompromiso ang mga ito kaya P152 milyon na lamang ang kanilang binayarang buwis.

Kumpara aniya sa GMA-7 na nagbayad ng mahigit P3 bilyong tax mula 2017 hanggang 2019, ang binayaran lamang umano ng ABS-CBN sa nabanggit na panahon ay halos P500,000 lamang.

“Bakit naman kailangang tipirin ang gobyerno samantalang ito ang nagkaloob ng prebilehiyo ng prangkisa?,” ani Marcoleta na hindi naniniwalang mas malaki ang kinikita ng GMA-7 kumpara sa kanila.

Noong nanligaw umano ang ABS-CBN para maaprubahan ang kanilang prangkisa noong 1995 ay nangako ang mga ito na magbabayad ng tamang buwis at susunod sa lahat ng itinatadhana ng batas.

Gayunman, nang makuha nila ang prangkisa ay kinalimutan umano ang kanilang obligasyon sa estado at halos ayaw nang magbayad ng tamang buwis.

Bukod dito, nakaiwas din ang mga Lopez na siyang may-ari ng ABS-CBN sa pagbabayad ng tamang buwis sa pamamagitan ng PEZA registered company na Big Dipper na sentro pa rin ng imbestigasyon ng House Blue Ribbon committee sa mga susunod na araw.

Ayon kay Marcoleta, nagkaroon ng P10.6 bilyon na income ang Big Dipper sa nakaraang apat na taon o mula 2016 hanggang 2019 subalit P110 hanggang P120 milyon lamang ang binabayarang buwis kada taon samantalang P700 hanggang P800 milyon ang dapat bayaran ng mga ito dahil inirehistro nila ito sa PEZA. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

Obispo tinabla, prangkisa ibinasura ABS-CBN BYE BYE NA

TULUYAN nang ibinaba ang telon ng ABS-CBN matapos ang 65 taong pamamayagpag sa ere nang ibasura ng pitumpong congressmen ang aplikasyon nila para sa panibagong 25 taong prangkisa.

“The resolution to deny ABS-CBN franchise application is hereby adopted. Pursuant to Section 49 of the Rules of the House of Representatives, all bills and house resolution relative to the grant or renewal of the franchise application of ABS-CBN Corporation are here laid on the table,” deklarasyon ni House committee on legislative franchises chairman Franz Alvarez.

Ginawa ni Alvarez ang nasabing pahayag matapos basahin ang resulta ng botohan na nilahukan ng 84 miyembro ng komite kasama na ang mga ex-officio member. Sa nasabing bilang, 70 ang bumoto ng Yes sa “House Resolution: Denying the franchise application of ABS-CBN Corporation to construct, install, establish, operate and maintain radio and broadcasting stations in the Philipppines”.

Habang isinusulat ito ay hindi pa naglalabas ng listahan ang komite kung sino-sino ang 70 congressmen na tumabla sa prangkisa ng ABS-CBN dahil sa napakaraming paglabag umano ng nasabing network sa nakaraang 25 taon.

Labing isa ang bumoto ng No sa nasabing resolusyon na binuo ng  Technical Working Group members na sina Cebu City Rep. Pablo John Garcia, Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo at Marikina Rep. Estella Luz Quimbo.

Kabilang sa 11 bumoto kontra sa nasabing resolusyon sina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, Minority Leader Bienvenido Abante, Reps. Sol Aragones, Toff de Venecia, Gabriel Bordado, Vilma Santos-Recto, Lianda Bolilia, Ping Tejada, Mujiv Hataman, Edward Maceda at Quimbo.

Nag-inhibit naman sina Quezon City Rep. Alfred Vargas na dating talent ng ABS-CBN at Nueva Ecija Rep. Micaela Violago habang nag-abstain si Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin.

Base sa TWG Report, mahigpit na pinag-aralan ng mga ito ang resulta ng mga isyung tinalakay ng franchise at good government and public accountability committee na kinabibilangan ng pagiging American citizen ni Eugenio “Gabby” Lopez, paglabag ng ABS-CBN Corporation sa Saligang Batas na nagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng media company sa bansa; paglabag sa kanilang prangkisa, hindi pagbabayad ng tama at pag-iwas sa nararapat na buwis na ayon sa nasabing komite ay “unjiust, if not immoral”, pagkakaroon ng dummy ng nasabing network at hindi pagsunod sa labor laws.

Nang linawin ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado sa pakahulugan ng “laid on the table” na pahayag ni Alvarez sa franchise application ng ABS-CBN ay sumagot ang Legislative Franchises committee secretary ng “ibig sabihin, ano na siya.. kill”.

“Ibig sabihin na itong usapin sa application ng ABS-CBN ay hindi lang  po isinantabi, kundi tinapos na ngayong araw Mr. Chairman, tama po ba?,” tanong ni Sy-Alvarado na inayunan ni Alvarez.

Dahil makasaysayan ang nangyaring botohan, hiniling ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na lahat ng 70 congressmen na bumoto ng yes sa resolusyon na tumabla sa prangkisa ng ABS-CBN ay maging co-authors sa TWG Resolution Report.

TINABLA

Hindi nakakuha ng suporta sa Malakanyang ang evangelical churches nang umapela ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suportahan ang franchise renewal ng ABS-CBN Corp.
Ang payo ni Presidential spokesperson Harry Roque sa Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC)ay idulog ang kanilang apela sa Kongreso at hindi kay Pangulong Duterte.

Umapela kasi si PCEC national director, Bishop Noel Pantoja kay Pangulong Duterte na ibigay nito ang kanyang ‘crucial support’ para sa renewal ng prangkisa ng media firm.
Ang katuwiran ni Bishop Pantoja ay naipakita naman sa pagdinig ng Kongreso na “legally compliant” ang ABS CBN sa usapin ng tax payments.

“Kasama ko po sa aking online bible study si Bishop Pantoja. So Bishop, siguro po i-address po natin ang appeal sa Kongreso kasi desisyon po iyan ng Kongreso. Ang Presidente naman po sinabi niya, the members of Congress can vote according to their conscience dahil siya po ay neutral,” ayon kay Sec. Roque.

Samantala, walang kinalaman ang Malakanyang sa diumano’y panggagapang ni presidential son at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Iglesia Ni Cristo (INC) sa mga mambabatas para i-pressure ang mga ito na tuluyan nang ipasara ang media giant na ABS-CBN.

Agad sinalag ni Sec. Roque ang pag-uugnay sa pangalan ni Cong. Pulong sa Malakanyang at sa kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa usaping ito.

“Naku, wala po kaming nalalaman tungkol diyan. Pero sang-ayon sa Saligang Batas, talagang dapat magmula sa mababang kapulungan ang lahat ng prangkisa pagdating po sa negosyong broadcast, at kabahagi naman po si Congressman Pulong Duterte ng mababang kapulungan,” ayon kay Sec. Roque.

Malabo aniyang magawa ni Cong. Pulong ang pag-presyur sa kanyang nga kapwa kongresista na i-deny ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil isa lamang siya sa 300 kongresista.

‘WAG HUSGAHAN

Nanindigan naman si House Speaker Alan Peter Cayetano na naging patas at kumprehesibo ang pagdedesisyon ng House committee on legislative franchises kasabay ng pag-apela nito sa publiko na bago husgahan ang naging desisyon ng mga mambabatas ay basahin muna ang kumpletong findings kung bakit “deny” ang naging rekomendasyon ng komite.

Ayon kay Cayetano, umpisa pa lamang ng paghawak ng Kamara sa ABS-CBN franchise renewal application ay alam na nilang partisan ang kaso na may mga hindi sasang-ayon sa kahit anoman ang maging desisyon, gayunpaman, ginawa umano ng komite ang fair, impartial, thorough at comprehensive hearing na ang lahat ng aspeto ay kanilang tinignan at kinonsidera.

“I pray that despite our differences, we will eventually come to respect the decision of the committee and its members, and begin to move forward in rebuilding the relationships that have been strained by this issue,” pagtatapos ni Cayetano. (BERNARD TAGUINOD/May dagdag-ulat sina (CHRISTIAN DALE/ABBY MENDOZA)

Read More

COVID-19 UPDATE 14 DAYS LOCKDOWN

ISASAILALIM sa labing apat na araw na lockdown ang tatlong tanggapan ng Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ay matapos magpositibo sa COVID-19 ang apat na tauhan ng mga ito na isinailalim sa swab test noong Hulyo 2 sa Philippine General Hospital (PGH).

Ang tatlong tanggapan naman nito sa NAIA Terminal 1, 2 at 3 ay agad isasailalim sa disinfection at cleansing procedure sa loob ng 14 days quarantine period.

Dahil sa pagpopositibo sa COVID-19 ng ilang enpleyado ay magsasagawa na rin ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga ito sa nakalipas na ilang araw.

Gayundin, lahat ng personnel ng NAIA Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) at Inter-Agency Council Against Trafficking ay isasailalim sa istriktong home quarantine habang umiiral ang 14-day quarantine period na tatagal hanggang July 22, 2020. (DAVE MEDINA)

KASO SA PASAY TUMATAAS

MULING nanawagan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa kanyang constituents na istriktong isagawa ang health at safety protocol dahil patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

“Even if certain restrictions have been lifted, it’s not yet the time to let our guard down…“ Ang COVID-19 po ay narito pa at patuloy na nai-infect ang maraming tao,” sabi ni Mayor Emi.

Ayon sa  surveillance and epidemiology unit ng City Health Office, ang pinakamatinding tinamaan ay ang mga barangay 193 -32; 183 – 32 at144 -39 active confirmed cases; samantalang ang Bgy. 37 ay may 20 at Bgy. 169 -22 active confirmed cases.

Inatasan na ni Mayor Emi ang pulisya at barangay officials na tiyaking sumusunod ang mga  Pasayeños sa guidelines na itinakda ng  Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at mga city ordinance na ipinasa ng Pasay City Council, kabilang ang pagsusuot ng  face mask sa public places at istriktong pagsunod sa physical distancing. (DAVE MEDINA)

CITY HALL ISINARA

INANUNSYO ng lokal na pamahalaan ng Tanauan City, Batangas ang pagasasara pansamantala ng kanilang city hall matapos magpositibo sa COVID-19 ang isa nilang empleyado.

Ayon kay Vice Mayor Atty. Jun-Jun Trinidad, nagsasagawa na ng contact tracing sa lahat ng nakasalamuha ng nasabing empleyado.

Nagsagawa na rin ng rapid testing  at swab testing sa lahat ng empleyado at ang ibang may direct contact sa mga ito ay pinag-home quarantine na rin.

Habang suspendido ang operasyon ng city hall ay isasailalim ito sa disinfection. CYRILL QUILO

Read More

BABAENG MAG-AARAL NANGANGANIB MAHINTO SA ESKWELA

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na malaki ang posibilidad na tumigil sa pag-aaral ang batang kababaiihan sanhi ng pananalasa ng corona virus 20-19 (COVID-19) kaya hinimok nito ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng isang mabisang paraan upang maiwasan ito ngayong nasa huling yugto na ng enrollment period.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na batay sa naging karanasan ng bansa kapag may krisis, hindi malayong bumaba ang enrollment rate ng estudyanteng babae, tulad halimbawa ng nagdaang Asian financial crisis.

“Noong tumama ito sa bansa taong 1998-1999, mas mataas ang ibinaba ng enrollment rate ng estudyanteng babae

na walong porsiyento kumpara  sa enrollment rate ng estudyanteng lalaki na pitong porsiyento,” ayon kay Gatchalian.

Inihalimbawa rin ng mambabatas ang Ebola outbreak sa Sierra Leone, isang bansa sa West Africa, kung saan maraming babaeng nasa edad 12-17 ang hindi nakapag-enroll nang magbukas ang klase.

“Bukod sa nakaranas ng maagang pagbubuntis at sexual abuse ang ilan, sumabak naman sa child labor ang iba.

Mayroon din sa kanilang nagmistulang tagapangalaga ng pamilya kaya hindi na naipagpatuloy at nakapagtapos sa pag-aaral,” ayon kay Gatchalian.

At ngayong may pandemya, sinabi pa ni Gatchalian na base sa pinakahuling ulat ng International Labour Organization (ILO), mas malaking pinsala ang sanhi ng krisis ng COVID-19 sa batang kababaihan.

Sinabi ni Gatchalian na dapat bumuo ang DepEd ng patakaran upang mapayagang makapasok sa eskuwela ang mga batang ina at mawala ang stigma at diskriminasyon sa kanila at makapagpatuloy sila sa pag-aaral.

Babala ni Gatchalian, kapag hindi nila naipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, hindi malayong mapagkaitan sila ng oportunidad sa trabaho at mapabilang sa tumataas na poverty rate.

Sa Hulyo 15 magtatapos ang enrollment samantalang sa Agosto 24 naman nakatakda ang pagbubukas ng klase. (ESTONG REYES)

Read More

AIRBORNE TRANSMISSION NG COVID-19 POSIBLE

IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa health experts ang pagpapaliwanag sa pahayag ng World Health Organization (WHO) na ang COVID-19 ay maaaring makuha sa pamamagitan ng hangin.

“We will be fully supportive of ideas based on science and hard data,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Habang tinatalakay aniya ng scientific community ang mode of transmission ng COVID-19, ay tinawagan naman ng pansin ng Malakanyang ang mga mamamayan na patuloy na sumunod sa minimum public health standards, gaya ng pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay at social distancing.

“Let us continue to protect people who are considered vulnerable, which include but not limited to our senior citizens, those with co-morbidities, pregnant women by staying at home to save lives,” ayon kay Sec. Roque.

Aniya, nagawa na ito ng mga Filipino noon nang 8 mula sa 10 katao ay naniniwala na ang “stay-at-home measures” ay sulit sa pagligtas sa buhay, ayon sa recent survey.

“We can do it again so together we can heal and recover as one,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

Read More

MAKINIG NAMAN KASI SA MGA TAO

HINDI na ako nagtataka kung bakit dumarami ang kaso ng COVID-19 sa ­ating bansa dahil marami na ang isinasagawang testing hindi tulad noong unang sigwada na halos walang nati-test.
Noong Marso kasi, ­iilan lang ang tine-test sa ­COVID-19 kaya kokonti lang ang kasong naitatala kumpara ngayon na marami na ang sinusuri ng gobyerno at pribadong sektor kaya lumalaki ang bilang ng nagpopositibo sa virus na ito na nagmula sa China.

Pero ang ikinababahala ko ay ang katotohanan na marami na palang na-infect sa COVID-19 pero hindi agad nalaman dahil sa teka-tekang desisyon hinggil sa panawagan na magsagawa ng mass testing noong isailalim sa ­enhance community quarantine ang bansa noong Marso.

Kung noong Hunyo at ngayong Hulyo ay maraming nagpositibo sa COVID-19, ibig sabihin baka nasa katawan na nila ang virus na ito noong Marso pa lamang na hindi agad nalaman dahil hindi agad inilarga ang mass ­testing.

Halos apat na buwang nag-quarantine ang ­sambayanan mula Marso 15 hanggang Hunyo 30 at kung nasa katawan na ng mga COVID-19 positive ang virus na ito sa nabanggit na panahon at ngayon lang nila natuklasan dahil ngayon lang sila nasuri, ilan ang nakasalamuha nilang tao na posibleng nahawa sa kanila?

Siguro hindi na nakahawa ang mga COVID-19 positive kung noong Marso pa lamang ay na-test na sila at ihiniwalay agad sila at ginamot pero dahil hindi nakinig ang mga kinauukulan sa mga tao, ayan dumami ang kaso.

Ito ang problema sa teka-tekang sistema ng mga opisyales ng gobyerno at hindi nakikinig sa suhestiyon ng kanilang mamamayan at saka nila aaminin na mali nga sila at dapat nakinig sila sa mga tao, kapag malala na ang problema.

Parang noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na nagteka-teka at ayaw ­makinig sa mga tao na simulan agad ang  mga nakalinyang proyekto kaya halos wala siyang ­natapos na imprastraktura sa loob ng anim na taon sa gobyerno.

Saka lang nagsimula ang mga konstruksyon nung may problema na noong panahon ni PNoy pero kung sa unang taon pa lamang sana nito sa kanyang administrasyon ay nagsimula na siya, baka natapos agad bago sila bumaba sa kapangyarihan.

Ang mga government officials kasi madalas hindi nakikinig sa mga tao. Hindi ko alam kung talagang ugali na nila at para bang sinasabi sa atin na “kami ang nasa puwesto kaya kami ang dapat magpasya at hindi ang mga tao”.

Parating nangyayari na hindi ini-involved ang mga tao sa kanilang pagdedesisyon gayung mas alam ng mga tao ang nangyayari sa ibaba kesa sa kanila na nasa itaas na karaniwang hindi ramdam ang pagdudusa ng mga ­maliliit.

Hindi ba sa isang bahay kapag may bagong patakaran ang isang ama na gustong ipatupad, kukunin muna ang opinyon ng kaniyang asawa at mga anak bago ­iimplementa lalo na kung ang mga anak ay nasa tamang edad na?

Dapat siguro magsilbing aral sa mga government officials ang karanasan natin ngayon sa pandemya na mahalaga ang opinyon ng mga tao sa ibaba bago sila maglabas at magpatupad ng isang mahalagang desisyon.

Sabi nga sa Desiderata: Speak your truth quietly and clearly; and listen to ­others, even to the dull and the ­ignorant; they too have their story”.(BERNARD TAGUINOD)

Read More

KARUMAL-DUMAL NA PAGPATAY NG NPA SA SUNDALO

HINDI bago ang balitang “sundalo, pinatay ng NPA.”

Napakarami nang sundalo o pulis ang pinatay ng New People’s Army (NPA) simula nang itatag ang armadong yunit na ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong Marso 29, 1969 sa Tarlac.

Disyembre 26, 1968 naman binuo ang CPP sa Tarlac din.

Ang paliwanag ng pamunuan ng CPP ay paggawad ng parusa sa mga nagawang krimen ng mga sundalo o pulis na inireklamo ng masa sa ­rebolusyonaryong organisasyon.

Siyempre, labag sa batas ang desisyon ng CPP at mismong pagpatay ng NPA sa mga sundalo o pulis.

Desisyon ‘yan ng CPP.

Aksiyon ‘yan ng NPA.

Ngunit, hindi naman tamang matapos pagbabarilin ng mga kasapi ng NPA ang isang sundalo hanggang malagutan ito ng hininga ay tatagain at susunugin pa ng mga rebelde ang patay nang sundalo.

Karumaldumal naman ang ganyang klase ng pagkakamit ng katarungan sa mga krimeng nagawa ng sundalo.

Kahit kasinghaba ng San Juanico Bridge ang mga nagawang krimen ng nasabing sundalo o pulis ay hindi wasto at hindi katanggap-tanggap sa isang sibilisadong lipunan na tagain at sunugin pa ang sundalo matapos itong ­pagbabarilin hanggang mamatay.

Hindi naging mainit na balita ang naganap sa Samar ilang araw na ang nakalipas dahil ang pokus ng balita ngayon ay ang mistulang palasong estilong pag-aanunsiyo ni ­Presidential Spokesman Harry Roque Jr. sa kahit anong isyu o problema ng pamahalaan at bansa ang itanong sa kanya ng mga journalist, ang ­patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Filipinong tinatamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Ayon sa tagapagsalita ng 8th Infantry Division ng Philippine Army (PA) na si Captain Reynaldo Aragones, pinatay, tinaga at sinunog ng 30 pinaniniwalaang mga miyembro ng NPA ang isang sundalo sa bayan ng Motiong sa Samar nitong Hulyo 6 ng umaga.

Hindi binanggit ni Aragones ang pangalan ng biktima ng karumaldumal na krimen.

Ayon kay Aragones, nakasakay sa motorsiklo ang sundalo at kasamahan nito bandang 7:00 ng umaga kung saan patungo sila sa munisipyo ng Motiong upang dumalo sa isasagawang “community support ­program” nang biglang harangin ng 30 miyembro ng NPA na nagresulta sa binabanggit kong karumaldumal na krimen.

Hindi kahanga-hanga ang CPP-NPA sa ­nangyaring ito.

Hindi nila binigyan ng katarungan ang mga ­naging biktima ng namatay na sundalo, kung totoong ­maraming krimeng nagawa ito sa mamamayan ng Samar, kundi muling ipinakita, pinatunayan at pinagtibay ng 30 miyembro ng NPA na napakasama ng NPA sa panahong ito.

Hindi nakabatay sa ­Marxismo ang ginawa ng mga ‘rebolusyonaryong’ NPA.

Walang itinuro o sikretong isinulat si Karl Marx na kailangang karumaldumal na papatayin ang mga sundalo ng pamahalan dahil sa mga krimeng nagawa nito sa masa, partikular sa uring manggagawa.

Hindi rin nagsulat ng artikulo si Vladimir Lenin na nagpapaliwanag na kailangang gumamit ng terorismo ang ­organisasyon ng uring manggagawa laban sa mga sundalo ng estado.

Kahit nga si Mao Zedong na pinagkopyahan ni Jose Maria Sison sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa konteksto ng pangmatagalang digmang bayan dito sa Pilipinas ay walang nabanggit na patayin, tagain at sunugin ang sundalo ng pamahalaan, o sinumang kaaway ng mga manggagawang-bukid at pesante sa kanayunan.

Ang armadong pakikibaka sa pangmatagalang digmang bayan ni Mao ang siyang ipinatupad ng pamunuan ng CPP at NPA upang makamit ang pambansang demokratikong sistema ng lipunan

kapag napalitan ang ­kasalukuyang pamahalaan.

Ngunit, kahit anong artikulo o akda ni Mao ay walang nakasulat na habang ipinapatupad ang armadong pakikibaka “mula sa mga kanayunan patungong kalunsuran” ay dapat pumapatay, nananaga at sinusunog din ng mga miyembro ng NPA ang sinumang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatunayang mayroong nagawang mga krimen sa masang ‘pinaglilingkuran’ ng CPP at NPA.

Wala sa katinuan ang ideyang ito ng CPP at NPA.
Kaya, hindi ako nagugulat na hindi lumalawak at lumalalim ang tiwala ng masang Filipino sa CPP at NPA mula 1968 at 1969 hanggang kasalukuyan.(NELSON BADILLA)

Read More

MGA SENADOR, NALUNGKOT SA PAGBASURA SA PRANGKISA NG ABS-CBN

NAGPAHAYAG ng kalungkutan ang ilang senador sa naging desisyon ng Kamara sa prangkisa ng network.

Sinabi ni Senador Sonny Angara na masama ang magiging epekto nito sa ekonomiya hindi lamang sa media o broadcasting industry kundi maging sa industriya ng advertising at sa creative industries.

Bukod dito, idinagdag ni Angara na hindi rin anya ito magandang epekto sa press freedom at sa uri ng demokrasya sa bansa.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sa 13 pagdinig ng komite, lumabas na ang tanging kasalanan ng ABS-CBN ay nang maapakan nito ang ilang makapangyarihang politiko.

Ipinaalala ni Drilon na sa panahon ngayon ng pandemya, mas kailangan ng bansa ang access sa impormasyon kung saan malaki ang tulong ng network.

Binigyang-diin din nito na sa desisyon ng Kamara, 11,000 empleyado at pamilya nito ang magsasakripisyo dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.

Naniniwala naman si Senador Risa Hontiveros na magsisilbing ‘dangerous precedent’ ang desisyon ng Kamara makaraang maging isyu na anya ng pulitika ang renewal ng prangkisa ng media network.

Iginiit naman nito na sa huli ay maniningil ang kasaysayan sa mga nasa likod ng mapait na kasaysayang ito sa media industry.

Para naman kay Senador Grace Poe, may epekto rin sa kasalukuyang mga prangkisa ang inilarawan nitong ‘high and unforgiving bar’ ng mga kongresista sa mga franchise.

Sinabi nito na hindi lamang ang pagbabalita ang pinutol sa desisyon kundi maging ang entertainment shows na nagbibigay inspirasyon din sa publiko. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

6 MINORS ISINAMA SA NAKAWAN, TIMBOG

NILOOBAN ng 13 kawatan ang bahay ng hepe ng Calamba Ctiy Public Order and Safety Office nitong nakaraang Lunes ng umaga sa Brgy. Bucal, Calamba City.

Agad namang naaresto ang mga suspek na sina Mark Joseph Pacia Albao, 34-anyos; Rodelio Pacia, 40; Arnel Gabarda Opulencia, 46; Ian Baniqued Pellera, 18; Rosal Casipit Sabularse, 39; John Lloyd Enocetes Ramirez, 20 at anim na minor de edad  habang nakatakas ang isa pa nilang kasama na si  Joey Colinares Sabularse, 41-anyos.

Ayon kay Jeffrey Rodriguez, naiwan nitong nakabukas ang bintana sa likod ng kanyang bahay na siya umanong dinaanan ng mga suspek.

Aabot sa dalawang milyong halaga ng mga ari-arian ang nakulimbat ng grupo. Nasakote ang mga ito matapos silipin ng mga awtoridad ang kuha ng mga CCTV na nakakabit sa paligid ng insidente.

Nabatid na hindi na nabawing lahat ang mga nakulimbat ng grupo dahil ang iba ay naibenta na. Kasama namang kakasuhan ang mga bumili ng nakaw na gamit ng biktima. CYRILL QUILO

Read More