3 PATAY, 5 SUGATAN SA MASBATE STRAFING

BLANGKO pa ang homicide probers ng PNP-PRO5 hinggil sa motibo ng hindi pa nakikilalang mga suspek na nasa likod ng naganap na ‘strafing’ sa dalawang bahay sa Milagros, Masbate na ikinamatay ng tatlo katao kabilang ang isang bata, at ikinasugat ng limang iba pa.

Ayon sa Masbate PNP, may lead at person of interest na silang tinututukan na posibleng magbigay linaw sa pamamaril sa bahay ng dalawang pamilya sa Barangay Capaculan, Milagros, Masbate.

Nabatid sa inisyal na impormasyong ibinahagi ni P/Maj. Rustom Dela Torre, hepe ng Masbate PNP, dead on the spot ang tatlong biktima na kinilalang sina Benjie Cataga, 39; Jonel Verona, 20, at ang onse-anyos na si Jeddah Raven.

Sugatan naman sa nasabing pamamaril ang limang iba pa na sina Juanito Cataga, Artemio Cataga, Michelle Cataga, Niño Rosero, at Felomina Dizon na pawang naka-confine sa pagamutan.

Base sa paunang imbestigasyon, bigla na lamang sumulpot sa lugar ang hindi pa nakikilalang mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima gamit ang 9mm, caliber .45 pistol at 5.56 rifle.

Sinasabing magkalayo ang bahay ng dalawang pamilya na isa sa mga anggulo o motibong tinututukan ng mga imbestigador. (JESSE KABEL)

Related posts

Leave a Comment