6.4K LITRONG DIESEL IDO-DONATE SA PCG

INAPRUBAHAN ng Department of Finance (DOF) na i-donate ang six thousand 400 litro ng diesel na nasabat ng Bureau of Customs noong nakaraang taon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, isasagawa ito sa bisa ng ‘memorandum of agreement (MOA)’ na pinirmahan ng BoC at PCG upang magamit ng mga mandaragat sa kampanya kontra smuggling.

Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), pinapayagan na mai-donate ang mga nakumpiskang produkto basta aprubado ng kalihim ng Finance department.
Ang diesel ay kinumpiska ng Port of Clark matapos madiskubre sa isang gas station sa Arayat, Pampanga na walang fuel marker.

Noong Setyembre 22, 2021, nagdesisyon ang district collector ng Port of Clark na kumpiskahin ang naturang diesel fuel nang magsumite ang pamunuan ng gas station ng affidavit na inaabandona na nila ang produkto.

Sa ilalim ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, pinaiiral ang ‘marking program’ sa fuel products upang mabatid kung nakapagbayad ng kaukulang buwis para dito. Ito ay upang malabanan din ang talamak na smuggling ng produktong petrolyo.

Nitong Disyembre 9, 2021, umaabot na sa P330.29 bilyong halaga ng buwis mula sa 33.54 bilyong litro ng markadong produktong petrolyo sa ilalim ng ‘fuel marking program’ ang nakolekta ng pamahalaan mula nang ipatupad ito noong Setyembre 2019, ayon pa sa DOF. (RENE CRISOSTOMO)

169

Related posts

Leave a Comment