‘LIFE’ SA 2 KIDNAPPERS NA NASAKOTE NG PNP-AKG

0

HINATULAN ng guilty ng Quezon City Regional Trial Court Branch 215 ang dalawang akusado sa kasong kidnapping for ransom at carnapping sa promulgasyon nitong Miyerkoles, via video
conference.

Sa hatol ni Judge Rafael Hipolito, pinatawan ng reclusion perpetua at civil damages sina Christian Villacorta Rueda at Jiovani David Ojeda.

Gayunman, ang dalawa ay inabsuwelto ng korte sa kasong illegal possessions of explosive.

Ayon sa record ng korte, noong Hunyo 30, 2018, bumili ang bktimang si Joseph Estrada y Cubullan ng black Mitsubishi Montero (with conduction sticker BO P061) sa isang Christian V. Rueda.
Habang ginagamit ng biktima ang sasakyan, may natagpuan siyang susi sa loob nito at napansin may mali sa nasabing sasakyan kaya agad niya itong ipinaalam kay Rueda.

Noong Hulyo 28, 2018, si Mr. Rueda ay nag-text at tumawag sa biktimang si Estrada at sinabing kukunin niya ang susi.

Ayon sa napagkasunduan, dumating si Rueda kasama ang hindi kilalang lalaki na nagpakilalang mekaniko, sa bahay ng biktima lulan ng white Toyota Vios na hindi nakuha ang plaka, mula roon
ang biktima at ang suspek na si Rueda ay sumakay sa Montero at nagtungo sa Shell Gasoline Station sa Mindanao  Avenue, Quezon City, kasunod ang white Toyota Vios na minamaneho ng
mekaniko.

Ngunit pagkaraan ay sinuntok ang biktima at sinakal ng suspek na si Rueda saka puwersahang inilipat sa hulihang bahagi ng sasakyan at sinabing “PERA LANG ANG KAILANGAN NAMIN.”
Pagkaraan ay minaniobra ang sasakyan patungo sa Litex, Quezon City.

Habang bumibiyahe, huminto sila sa hindi nabatid na lugar, piniringan ang biktima at tinutukan ng baril sa ulo.

Kinuha ng suspek ang cellphone ng biktima at iba pang gamit nito saka inutusang tumawag sa kanyang pamilya para humingi ng P300,000 bilang kapalit ng kanyang paglaya.

Noong Hulyo 29, 2018, makaraan ang mahigit tatlong oras na biyahe, inalis ng mga suspek ang piring ng biktima kaya nabatid nitong sila ay nasa Tagaytay City na.

Pinaikot-ikot ng mga suspek ang sasakyan habang hinihintay ang kapatid na babae ng biktima na magpapadala ng pera sa Western Union, gayunman hindi nakapagpadala ng pera ang pamilya dahil sarado ang remittance center dahil araw ng Linggo.

Dahil sa pagkadismaya, inutusan ng mga kidnapper ang biktima na mag-withdraw ng pera sa kanyang BDO passbook savings account sa J.P. Rizal Avenue corner Puerto Rico Avenue, Nangka,
Marikina City, dakong alas-10:30 ng umaga noong Hulyo 30, 2018.

Ngunit habang nasa loob ng bangko kasama ang mga kidnapper, sumigaw ang biktima at humingi ng saklolo na nagresulta sa pagkakagulo ng mga tao.

Bunsod nito, tumakas ang mga suspek lulan ng black Mitsubishi Montero.

Habang tumatakas ang mga suspek, humiram ang biktima ng telepono at ipinaalam sa kanyang kapatid ang kanyang kinaroroonan.

Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng Marikina City Police at dinala ang biktima sa MCPS Headquarters.

Dakong alas-3:30 ng hapon, ang biktima ay dinala ng mga tauhan ng MCPS sa Anti-Kidnaping Group ng PNP, na pinamumunuan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo.

Sa isinagawang debriefing, kinilala ng biktima ang isa sa mga dumukot sa kanya na si Christian Villacorta Rueda, ang dealer at may-ari ng Mitsubishi Montero (plate number BO P061) na siyang
nagbenta sa kanya ng nasabing sasakyan.

Noong Agosto 3, 2018, ang biktima ay bumalik sa AKG at sinabing nakatanggap siya ng text messages at phone calls mula sa mga kidnapper na humihingi ng P500,000 at nagbantang siya ay
papatayin pati ang kanyang pamilya.

Base sa nasabing impormasyon, ang PNP-AKG ay nagkasa ng entrapment operation para sa pagdakip sa nasabing mga suspek.

Makaraan ang serye ng mga negosasyon, nagtungo ang AKG operatives, kasama ang biktima, sa BCDA, C5 road, malapit sa Petron Gasoline Station, ayon sa instruksyon ng mga kidnapper, para
makuha ang napagkasunduang pera.

Habang ang biktima ay nakatayo malapit sa nasabing gasoline station, isang lalaki ang lumapit sa kanya, kinuha ang pera saka sumakay sa black Mitsubishi Montero.
Agad namang hinarang ng AKG operatives ang nasabing sasakyan na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na positibong kinilala ng biktima bilang kanyang mga kidnapper. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

Related posts

Leave a Comment