SINABI ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na hindi kailangan na muling magpataw ng curfew sa National Capital Region (NCR) dahil ang mga residente ngayon ng rehiyon ay marunong “mag-self regulate” sa gitna ng surge sa COVID-19 cases.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Abalos na alas-8 pa lamang ng gabi ay halos sarado na ang mga restaurant sa mga mall at halos kaunti na lamang ang mga tao sa kalye.
“Noong kami ay nag-usap noong nakaraan, nakita namin sa larawan na halos siguro alas otso ng gabi, halos sarado na ang mga restaurants sa mall, ang mga tao ay halos kakaunti na rin ang mga nasa kalye ‘no. Tandaan po natin, ang purpose po ulit ng alert level is to control mobility,” aniya.
“Natuto na tayo. On their own, ang ating mga kababayan ay natuto nang hindi lumabas dahil nakakahawa ito,” dagdag na pahayag nito.
Aniya pa, “as early as 5 p.m.,” wala nang gaanong tao sa mga mall at sa mga pangunahing lansangan.
Gayunpaman, ang 10 p.m. hanggang 4 a.m. curfew sa mga kabataan na may edad 17 pababa ay mananatili sa NCR.
Samantala, hindi rin aniya kailangan na itaas sa Alert Level 4 ang Kalakhang Maynila dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng mga residente sa rehiyon.
Inanunsyo naman ng pamahalaan na mananatili sa Alert Level 3 ang NCR hanggang sa katapusan ng Enero. (CHRISTIAN DALE)
