‘NEW NORMAL’ SA MGA MAGSASAKA, MANGGAGAWANG BUKID

Badilla Ngayon
0

SA kasalukuyan, mayroong 61.71 milyong manggagawa sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa bilang na ‘yan, 22 porsiyento  o 13,576,200 ang magsasaka at manggagawang bukid na matatagpuan  mula sa tuktok ng ulo ng Luzon hanggang sa talampakan ng Mindanao.

Alam nating lahat na tigil sa pagsasaka sila dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon at community quarantine (CQ) sa maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Dahil diyan, sapul ang produksyon ng bigas.

Ngunit, higit na tinamaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid dahil paglabag sa batas ang lumabas sa bahay habang ipinatutupad ang ECQ at CQ.

Inaasahang mapapalitan ang ECQ at CQ ng general community quarantine (GCQ) sa maraming bahagi ng Luzon pagkatapos sa Mayo 1, maliban sa ilang rehiyon at lalawigan na aabot pa ang ECQ

hanggang Mayo 15 dahil sa malaking bilang ng mga tinamaan ng coronavirus disease 2019.

Ang rehiyon ng Central Luzon at lalawigan ng Pangasinan ay hanggang Mayo 15 ang ECQ kung saan napakaraming magsasaka sa mga lugar na ito.

Pagkatapos ng Mayo 15, inaasahang makababalik na sa mga bukid na kanilang pinagsasakahan at pinagtatrabahuan ang milyun-milyong magsasaka at manggagawang bukid  na malapit nang sumuong sa tinatawag na “new normal” sa pagsasaka.

Kung maisasabatas ng Kongreso ang panukala tungkol sa new normal na buhay, obligadong magsuot ng face mask ang lahat ng mga Filipino kung pupunta sa mga pampublikong lugar at obligado rin nilang pairalin ang ‘physical’ at ‘social distancing’ upang maging ligtas mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Hindi rito pinuntirya ang pagkakaroon ng napakagandang buhay, ang buhay na walang nagsasamantala sa mga manggagawa, magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, maralitang lungsod, guro, journalists at iba pa.

Sa new normal na buhay ng mga magsasaka at manggagawang bukid, sinabi ni Magsasaka party-lisy Rep. Argel Joseph Cabatbat na suportado niya ang agarang pagbabalik ng mga ito sa mga bukirin dahil pagsasaka lang ang inaasahan nilang pagkukunan ng pagkain at pangtustos sa kani-kanilang pamilya.

Kaya nga dalangin pa ni Cabatbat na sana sa pagbabalik ng mga magsasaka ay huwag na nilang madatnan pa ang dekadang problema ng magsasaka gaya ng patubig, kakulangan sa kapital, pagpasok ng imported na mga produkto at iba pang mga problema.

Ang binanggit ni Cabatbat ay ang mga suliranin ng mga magsasaka at manggagawang bukid na naging bahagi ng kanilang “normal” na buhay sa nakalipas na dekada.
Maganda ang hangad ni Cabatbat para sa kanyang mga kasamahang magsasaka at manggagawang bukid.

Habang nagtatrabaho sa bukid, kailangang ipaglaban at igiit ng mga magsasaka at manggagawang bukid ang kanilang bagong normal na buhay na binabanggit ni Rep. Cabatbat.

Syempre, sa bahagi ni Cabatbat bilang mambabatas ay obligadong sipagan at paghusayan niya ang kanyang trabaho sa mababang kapulungan, sapagkat maraming kasapi ng lehislatura ay hindi

kapakanan at kagalingan ng mga magsasaka at manggagawang bukid ang ipinaglalaban.

Kung ano ang nasa isipan n’yo, palagay ko pareho tayo ng iniisip kung ano ang pangunahing ipinaglalaban ng mga kasapi ng Kongreso.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment