P8-K MAKARATING SANA SA MAHIHIRAP NA PAMILYA

Badilla Ngayon
0

TINALAKAY sa ­Kongreso nitong Lunes ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay ­Pangulong Rodrigo Duterte na galawin at ­ilipat ang iba’t ibang pondo mula sa mga piling ahensiya ng pamahalaan upang makalikom ng P275 bilyon ang pangulo na ­gagamiting badyet na ipamimigay sa mamamayang  dumanas ng matinding epekto ng pandemyang coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Syempre, maganda kung magiging ganap na batas ang nasabing panukala.
Sa P275 bilyon, P8,000 ang mapupunta sa bawat pamilyang kuwalipikadong maging benepisyaryo ng nasabing tulong-pinansiyal ng pamahalaan, banggit ni Senate President Vicente Sotto III.
Kung ito na ang opis­yal at pinal na halaga, ­malaking halaga na ito na pambili ng pagkain ng bawat isang pamilyang mayroong lima o anim na miyembro sa 18 milyong “isang kahig, isang tuka” o mga ­pinakamahihirap na mga pamilya.

Idiniin ni Sotto na ipararating ang nasabing pera sa mga pamahalaang lokal, sapagkat sila ang nakakaalam kung sinu-sino ang mga totoong mahihirap sa kanilang nasasakupan.
Kung ako ang tatanungin, syempre gustung-gusto kong makarating ang P8,000 sa bawat mahihirap na mga pamilya upang mayroon silang perang pambili ng mga pang-araw-araw nilang kailangan, lalo na pagkain.

Kaso, ang problema ay kung paano ito maka­rarating sa mga ­pamilyang totoong kapus-palad.

Kahit mga tauhan pa sila ng alkalde o gobernador ay walang problema, basta dapat sila ay totoong mahihirap na kailangan pa ring ­mabigyan ng P8,000 kada pamilya.

Kailangang-kailangan na ng mga mahihirap ang pera.

Ngayong araw, ika-12 araw nang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon, ngunit panay delata at noodles ang ipinamamahagi ng pamahalaang lokal, kabilang na ang mga  barangay.

Isang barangay sa Lungsod ng Taguig, ­dalawang surgical masks at isang medium-size na Safeguard ang ­ipinamigay ng barangay doon lamang sa senior citizen.

Mayroong namang mga barangay sa Taguig ang literal na hindi kumikilos ang mga opisyal ng barangay.

Walang checkpoint, kaya napakalayang magpalipat-lipat ng barangay ang mga tao.
Sa totoo lang, ­maraming ubod nang kupad na mga opisyal sa pamahalaang lokal hanggang sa mga barangay, lalo na sa National Capital Region (NCR), samantalang alam naman nating lahat na ang sentro ng laban sa ­COVID-19 ay sa NCR.

Kung opisyal at pinal na ang P8,000 na binanggit ni Sotto, sana totoong makarating ito nang walang bawas sa mga taong ­hilong-talilong kung saan kukuha ng pera para makabili ng pagkain at iba pang pangangailangan ng ­kani-kanilang mga pamilya.

Kapag natuloy ang nasabing tulong-pinansiyal, gagalaw pa rin ang ekonomiya, sapagkat maraming tao ang bibili ng pagkain, gamot at iba pa.

Imposibleng hindi ­gumalaw ang ekonomiya sa panahong ipinatutupad ang enhanced community quarantine kung P275 bilyon ang mapupunta sa 18 ­milyong isang ­kahig, isang tukang mga pamilya sa buong bansa.

Tandaan, ang ekonomiya ng Pilipinas ay gumagalaw batay sa dami ng produktong ­binibili ng mamamayan.

Related posts

Leave a Comment