HAWAK na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa ₱4B halaga ng ‘floating’ shabu na nabingwit ng mga mangingisda na nagpapalutang-lutang sa karagatang sakop ng Pangasinan.
Ayon kay PDEA director general Undersecretary Isagani Nerez, ang mga nadiskubreng palutang-lutang na shabu ay nakapaloob sa 588 piraso ng vacuum-sealed na mga transparent plastic pack, na tinatayang aabot sa 587.8 kilograms na nakasilid sa mga sako ng natagpuan ng 29 na mangingisda habang namamalakaya.
Na-recover ng tauhan ng PDEA at mga katuwang na mga law enforcement agency, kasama ang Philippine Coast Guard (PCG), ang nasa 21 na sako ng hinihinalang shabu sa karagatan ng Pangasinan mula Hunyo 5 hanggang 6.
Ang shabu ay ipinasa ng mga mangingisda sa joint operatives ng PDEA, PCG, Philippine National Police (PNP), Philippine Navy (PN) at National Bureau of Investigation (NBI) na umabot sa 19 na turnover incident sa mga coastal barangay ng Dacap Sur, Bani, Boboy, Agno, Luciente I Balingasay at Poblacion na pawang nasa Bolinao, Pangasinan.
“The retrieval operations highlight the strong inter-agency collaboration and cooperation among law enforcement agencies in protecting the country’s vast and porous coastlines from any threats of drug smuggling and trafficking,” ayon kay Nerez.
Ang matagumpay na pag-recover ng nasabing illegal drugs ay isinagawa sa pagtutulungan ng naturang mga ahensya ng gobyerno sa pagitan ng mga local government unit (LGU) ng Agno, Bani at Bolinao, Pangasinan para sa pagtiyak sa maritime interests, coastal vigilance at kaligtasan ng mga residenteng nakatira sa tabi ng mga baybaying dagat.
Nakasama sa operasyon ni Nerez sina PDEA regional office director Joel Plaza, PCG Captain Mark Larsen Mariano ng Northwestern Luzon District, PN Commodore Ike Edward De Sagon ng Northern Luzon Naval Command, Atty. Joel Tovero ng NBI 1 at Colonel Ariel Capocao ng Drug Enforcement Group 1, Lieutenant Col. Santos Baldovizo ng Regional Maritime Unit 1 at Col. Ricardo David ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO) sa ilalim ng pangangasiwa ni Brigadier General Lou Evangelista ng Police Regional Office 1.
Una nang na-recover ng mga awtoridad ang nasa 177 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P1.17 bilyon na nakasilid sa pitong sako na natagpuan din ng mga mangingisda habang palutang-lutang ang mga ito sa karagatang sakop ng Agno, Bani at Bolinao ng Pangasinan.
Ayon kay Usec. Nerez ang tunay na bayani dito ay ang mga mangingisda: “Even in their own small ways, they prioritized the safety and well-being of others over their own and stood up for what is right.”
President Ferdinand Marcos, Jr. ordered the immediate destruction of the recovered illegal drugs.
“These illicit substances must be destroyed once and for all before they can cause harm to the Filipino people,” wika ni Nerez.
Patuloy ang ginagawang retrieval operation ng PCG at PN sa mga karagdagang sako ng droga sa karagatan ng Pangasinan sa tulong ng mga LGU at lokal na mangingisda.
(JESSE KABEL RUIZ)
